Amas, Kidapawan City- Mismong si Senator Bong Go ang nanguna sa pamamahagi ng tulong pinansyal sa mahigit 1,138 na mga indibidwal mula sa probinsya ng Cotabato nitong araw ng Sabado, Hunyo 17, 2023 na ginanap sa Matalam Central Elementary School, Matalam, Cotabato.
Ang nasabing ayuda ay mula sa ahensya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng kanilang programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na pinondohan ni Senator Go para sa Cotabateño sa ilalim ng pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza.
Tinatayang abot sa P3.4M ang kabuoang halaga ng ayuda ang natanggap ng bawat benepisyaryo o tig P3,000 bawat isa na pawang mga volunteers sa programa ng pamahalaang panlalawigan na Summer Kids Peace Camp mula sa 9 na mga munisipyo.
Sa mensahe ng senador, binigyang diin nito ang patuloy na pagbibigay serbisyo sa mga mahihirap at nangangailangan saan mang dako ng bansa. Aniya, isang karangalan ang mamatay dahil sa pagseserbisyo kaya patuloy itong maglilingkod para sa lahat.
Nagpasalamat naman si Governor Mendoza kay Senator Go sa panahong inilaan nito upang bisitahin ang lalawigan at sa walang sawang suporta na ibinibigay nito sa mga programa ng probinsya na aniya’y isang malaking tulong para sa lahat ng mga Cotabateño.
Personal ring namigay ang senador ng mga bisikleta, sapatos, cellphone, vitamins, face masks, mga bola at iba pa.
Dumalo din sa naturang aktibidad sina DSWD XII Regional Director Loreto Cabaya Jr., mga Boardmember na sina Joemar Cerebo, Jonathan Tabara, Ivy Martia Lei Dalumpines-Balitoc, Sittie Eljorie Antao-Balisi, Provincial Advisory Council (PAC) member Rosalie Cabaya, Matalam Vice Mayor Ralph Ryan “Raprap” Rafael at ilang mga konsehal mula sa bayan ng Matalam.//PGO-Sopresencia Photoby:WMSamillano/