Amas, Kidapawan City- Libo-libong mga kabataan na ang masayang nakilahok sa “Summer Kids Peace Camp (SKPC)”, na ipinapatupad sa ilalim ng adbokasiyang “serbisyong totoo” ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, mula nang inilunsad ito para sa taong 2023 sa mga bayan ng Pigcawayan at Libungan nitong ika-12 ng Mayo.
Ang SKPC ay maituturing na isang inisyatibong pangkapayapaan o estratehiya, upang maimplementa ang isa sa mga flagship programs ni Gov. Mendoza na nakatuon sa pangangalaga ng kapakanan ng mga kabataan.
Ito ay may hangaring maituro sa kanilang murang kaisipan, ang kahalagahan ng disiplina, pakikipagkaibigan, pagkakaisa, pag-uunawaan, respeto , at pagtitiwala sa kabila ng pagkakaiba-iba ng kultura, paniniwala at relihiyon ng mga mamamayan.
Sa maunlad na bayan ng Kabacan, pormal na binuksan sa sigaw na “Serbisyong Totoo! Lalaban!” ngayong araw ng Biyernes, ika-9 ng Hunyo, sa pangunguna ni Mayor Evangeline P. Guzman, ang napakamakulay, napakasaya at tila hindi mahulugan ng karayom na pagtitipon ng 1,802 na mga batang Kabakeño na nasa ika-limang baitang, mula sa 22 na paaralan ng south district, west district, at north district ng Kabacan.
Sa kanyang mensahe bilang ina ng bayan, inihayag ni Mayor Guzman ang kagalakan sa pagbabalik ng SKPC matapos ang tatlong taong paghihintay. Ipinaabot din nito ang pasasalamat kay Gov. Mendoza sa pagsulong ng programang ito, gayundin sa mga guro at magulang sa todo suportang ibinigay nito upang maging matagumpay ang aktibidad.
Personal ding ipinaabot ni Vice Governor Efren F. Piñol ang tuwa sa dami ng batang nakilahok sa SKPC, isang patunay ng mainit na partisipasyon sa SKPC. Binigyang diin nito ang paghanga sa nasabing programa, na sinimulan ni Gov. Mendoza noong 2011, sabay ang paghikayat sa mga lokal na pamahalaan sa lalawigan na ipagpatuloy ang pagsuporta dito.
Bilang mga kinatawan ni Gov. Mendoza, dumalo rin sa pagtitipon sina Boardmembers Jonathan M. Tabara, Joemar Cerebo at PGO-Managing Consultant Albert Rivera upang ipaabot ang mainit na pagbati sa mga campers at sa lahat ng kabahagi sa tatlong araw na camping activity.
Naroon din sina Public School District Supervisors Rebella S. Dulay, Ricky Dalida at Aida Delon, Division Information Officer Charlie Antipolo bilang representante ni Schools Division Superintendent Romelito G. Flores, Municipal Councilor Leah Saldivar, mga guro, at iba pa.
Ang nasabing aktibidad ay naisakatuparan sa pagtutulungan at mahusay na koordinasyon ng serbisyong totoo team ng pamahalaang lalawigan, 3rd Congressional District Office sa pamumuno ni Congresswoman Ma. Alana Samantha T. Santos, Provincial Vice Governor’s Office, Department of Education (DepED), at lokal na pamahalaan ng Kabacan//idcd-pgo-frigillana//Photoby:LQGonzales/