Amas, Kidapawan CityI Mayo 4, 2023- Naging matagumpay ang pagtalakay sa Proposed Ordinance No 2022-17-016 hinggil sa Joint Venture (JV) Code ng lalawigan ng Cotabato na ini-akda ni 3rd District Board Member Joemar S. Cerebo, Chairman, Committee on Laws, Rules and Privileges nitong araw ng Miyerkules, ika-3 ng Mayo 2023 sa University of Southern Mindanao (USM) Commercial Building, Kabacan, Cotabato.
Layunin ng nasabing aktibidad na maipaalam ang mga mahahalagang bagay na napapaloob sa JV Code at matalakay sa publiko ang anumang paksa na kailangan ng paglilinaw bago ito maipasa bilang isang ordinansya.
Ayon kay Board Member Cerebo ang JV Code ay isa sa mga prayoridad na programang isinusulong ng pamunuan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ay naglalayong palakasin ang partnership o pagtutulungan sa pagitan ng mga pribadong sektor, korporasyon o private indibidwal at ng lokal na pamahalaan.
Aniya ito ay isang sistema ng pakikipagsosyo ng puhunan, serbisyo at ari-arian ng mga pribadong sektor at ng pamahalaang panlalawigan para sa mas mabilis, epektibo at mabisang pagpapatupad ng mga proyektong makakatulong sa pag papaunlad ng ekonomiya at ikabubuti ng buhay ng bawat Cotabateño.
Mahalaga ang private at public partnership lalo na sa kasalukuyang pagpapatayo ng probinsya ng Central Mindanao Airport (CMA) at ang mahigit kumulang 27 ektaryang Cotabato Agro Industrial Park (CAIP) sa bayan ng Mlang.
Ang JV Code ay hindi lamang magbibigay ng magandang pagkakataon para sa lalawigan ng Cotabato, magsisilbi rin itong basehan ng iba pang lokal na pamahalaan ng probinsya sa pagbuo ng ordinansya, dagdag pa ni Cerebo.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang mga legal na basehan ng pagbuo ng ordinansa, proseso at kwalipikasyon para sa private sektor na pwedeng makasali sa JV at ilang mga proyektong sakop sa JV Code. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod: public markets, transportation terminal system, water supply and sanitation , housing, slaughter houses , industrial estate or townships, government buildings, solid waste management and climate change mitigation facilities, education and health facilities, land reclamation, tourism estate/facilities, ICT systems and facilities at iba pang development projects.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Sangguniang Panlalawigan Committee on Laws, Rules and Privileges katuwang ang Office of the Provincial Planning Development Coordinator, ay dinaluhan ng abot sa higit kumulang dalawang daang kinatawan mula sa ibat ibang sektor ng negosyo, akademya, municipal/city planning coordinators, tourism at lokal economic development investment promotion officers, bangko, micro small and medium enterprises, committee members, technical working group mula sa pamahalaang panlalawigan at iba pang stakeholders.
Nagpaabot naman ng pagbati at pasasalamat si Boardmember Roland D. Jungco bilang kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” J. Mendoza sa Committee on Rules and Privileges chair, technical working group at sa lahat ng tumulong sa pagbuo ng nabanggit na ordinansa.
Dumalo din sa hearing sina 3rd District Board Member Ivy Martial Lei Dalumpines-Ballitoc at Former Boardmember Shirlyn Macasarte.//idcd-pgo/dalumpines//