Amas, Kidapawan City I April 25, 2023 – Sa patuloy na implementasyon sa probinsiya ng Cotabato ng itinuturing na isa sa pinaka-epektibo at mahusay na inisyatibong pangkapayapaan sa buong bansa na kilala bilang E.O.70 o Whole-of-Nation Approach on Ending Local Communist Armed Conflict (ELCAC) na inilunsad ni dating Pang. Rodrigo R. Duterte, mas maraming Cotabateño na ang natulungang maibsan ang kahirapan na naging istratehiya ng programa upang wakasan ang insurhensiya sa pamayanan lalo na sa mga malalayong lugar.
Sa isinagawang Provincial Peace and Order Council (PPOC) Meeting nitong Lunes ika-24 ng Abril na pinangunahan ni PPOC Chairperson Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, binigyang diin ng gobernadora ang kahalagahan ng nasabing programa kung saan malaking pondong inilalaan ng pamahalaang panlalawigan para sa pagsasagawa ng ELCAC program o mas kilala sa lokal bilang Serbisyong Totoo Caravan sa iba’t ibang mga benepisyaryong barangay dito.
Batay sa naging ulat ni ELCAC Focal Person Ms. Vilma Mendoza, sa pamamagitan ng ST Caravan abot na sa dalawampu’t dalawang mga organisasyon ngayong taon ang binigyan ng tig-P300,000.00 bawat isa o kabuoang P6.6M ayudang pangkabuhayan sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tulungan ang mga kwalipikadong benepisyaryo nito na magkaroon ng dagdag na kabuhayan.
Ilan sa mga iminungkahing livelihood projects ng mga benepisyaryo ay Enterprises on Goat and Cattle Production, Swine Fattening, Rubber Buy and Sell, Tilapia Production, General Merchandise, Agricultural Supplies at marami pang iba kung saan sa mga organisasyong ito ay mula sa bayan ng Pres. Roxas, 5 mula sa bayan ng Makilala, at tig-apat 4 naman mula sa mga bayan ng Antipas at Tulunan.
Abot na rin sa 84 ang naging benepisyaryo ng Serbisyong Totoo Entrepreneurial Program at nabigyan ng panimulang kapital (1st tranche) o may kabuoang halaga na P336,000 sa tulong ng caravan. Ang nasabing mga benepisyaryo ay makakatanggap rin ng P5,000 grant bawat isa sa ilalim ng nasabing programa.
Maliban sa mga nabanggit, namahagi rin ng iba’t ibang tulong kasabay ng caravan tulad ng libreng fruit tree seedlings, fingerlings, vegetable seeds, bamboo propagules, mga serbisyong medikal-dental, veterinary services, at pati na rin ang pagsasaayos ng mga daan. Bawat benepisyaryong barangay ay tatanggap rin ng ayuda sa ilalim ng Support to Barangay Development Fund ng Department of the Interior and Local Government Unit para sa mga prayoridad na proyektong pang-imprastraktura ng komunidad.
Para ngayong taon, 14 pang mga benepisyaryong barangay sa lalawigan ang nakatakdang bisitahin ng ST Caravan upang dalhin ang serbisyo at mga proyekto sa mga malalayo at liblib na komunidad katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.//idcd-pgo-gonzales//Photoby RSopresencia//