Amas, Kidapawan City | Marso 20, 2023 – Isang malaking biyaya para sa mga Cotabateño ang pagbisita ng Pilgrim Relics ni St. Therese of the Child Jesus sa lalawigan nitong Biyernes, Marso 17, 2023.
Ang naturang pagbisita ay sinimulan sa pamamagitan ng isang motorcade mula Our Lady Mediatrix of all Grace Cathedral, Kidapawan City papuntang Provincial Capitol Compound kung saan nag-alay ng mga dasal at bulaklak sina Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza, Provincial Administrator Aurora P. Garcia, department heads, at mga kawani ng pamahalaang panlalawigan, kasama ang Bureau of Fire Protection, Cotabato Provincial Police Office, at Bureau of Jail Management & Penology.
Nagdaos din ng isang banal na misa si Diocese of Kidapawan Bishop Jose Colin Mendoza Bagaforo, DD., na nagpapaalala sa mananampalatayang katoliko sa mga aral na inihabilin ni St. Therese.
Ayon sa obispo, “The value of life does not depend upon the place we occupy, it depends upon the way we occupy the place.”
Labis naman ang pasasalamat na ipinaabot ni Governor Mendoza sa pagkakataong ibinigay sa probinsya na mapiling bisitahin ng nasabing pilgrim relics na mas lalo pang magpapatibay sa pananampalataya ng bawat Cotabateño.
Ito ang ikalimang pagbisita ng pilgrim relics ni St. Therese of the Child Jesus sa Pilipinas simula noong 2000 at ngayong taong 2023, nakatakda nitong puntahan ang 53 Philippine dioceses.//idcd-pgo-mombay/delacruz//