Amas, Kidapawan City | October 7, 2022 – Isinagawa ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Gov. Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang isang Mental Health Forum na nilahukan ng mga local health partners sa buong probinsiya upang maisulong ang kaalaman laban sa depresyon at iba pang mga karamdamang pangkaisipan.
Dinaluhan ito ng mga Municipal Health Officers, Mental Health Coordinators, Chief of Hospitals at Chief Nurses mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na aktibong nakiisa sa diskusyon hinggil sa kalusugang pangkaisipan upang magamit nila ang kaalaman sa kani-kanilang lokalidad.
Tinalakay sa nasabing aktibidad ang mga impormasyon at kaalaman tulad ng mga sumusunod: maling pananaw ng karamihan tungkol sa mga mental disorders, mga karaniwang sakit sa pangkaisipan sa komunidad at stress management.
Sa mensahe ni 3rd District Board Member Sittie Eljori Antao-Balisi bilang representante ni Governor Mendoza, hinikayat nito ang mga partisipante na paigtingin ang kampanya laban sa mga mental disorders lalung-lalo na ang depresyon na naghahantong, kapag hindi nabigyan ng atensyon, sa pagpapakamatay.
Ang Pilipinas ay pangatlo sa may pinakamataas na insidente ng mental disorders sa Kanlurang Pasipiko na siyang indikasyon na ang isyu ng mental health ay napapanahon at kinakailangan aksyonan.
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Mental Health Month, magkakaroon rin ng kaparehong aktibidad ngayong araw October 6, 2022 para naman sa mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan.
Ang nasabing aktibidad ay pinangungunahan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO).//idcd//