Abot sa 1,660 na assorted fruit tree seedlings at 2,600 na coconut seedlings ang una nang naipamahagi ng pamahalaaang panlalawigan nitong Biyernes, Setyembre 30, 2022 sa Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) Nursery, Provincial Capitol Compound, Amas, Kidapawan City.
Mahigit sa 53 indibidwal mula sa iba’t ibang bayan ng probinsya ang nakatanggap ng nabanggit na planting materials kung saan ito ay makakatulong sa mga magsasaka upang madagdagan ang kanilang pangkabuhayan at kita.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Provincial Agriculturist Sustines U. Balanag ang mga benepisyaryo na alagaang mabuti ang mga ipinamahaging tanim upang ito ay lumago at makatulong sa kani-kanilang mga pamilya.
Labis naman ang pasasalamat ni Estelita I. Endar, isa sa mga nakatanggap ng fruit tree seedlings na residente ng Barangay Rodero, Makilala, Cotabato.
Ayon sa kanya, “Nagpapasalamat ako sa provincial government na pinamumunuan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño Mendoza na mayroong ganitong programa ang gobyerno para sa mga magsasaka na gustong mag-avail ng libreng fruit tree seedlings at coconut seedlings.”
Bahagi ng adbokasiyang isinusulong ni Governor Mendoza ang pagtiyak ng sapat na suplay ng pagkain sa hapag ng bawat pamilyang Cotabateño at matulungan ang sektor ng magsasaka sa probinsya.//idcd-pgo//