Amas, Kidapawan City- Hulog ng langit para sa mga Cotabateños ang pormal na pagbubukas nang Department of Foreign Affairs Consular Office sa Kidapawan City, nitong Lunes, Setyembre 5, 2022.
Ang pormal na pagbubukas ng nasabing consular office ay sinimulan sa pamamagitan ng turnover, blessing at inauguration program na pinangunahan nina DFA Undersecretary for Civilian Security and Consular (CSC) Affairs Jesus S. Domingo, Mayor Paolo Evangelista, Board Members Joseph Evangelista at Ivy Martia Lei Dalumpines Ballitoc na siyang kinatawan ni Governor Emmylou ‘Lala’ Taliño-Mendoza.
Sa kanyang mensahe sinabi ni DFA Undersecretary for CSC Affairs Jesus S. Domingo na isa ang lalawigan ng Cotabato sa may pinakamaraming Overseas Filipino Workers (OFWs) sa buong bansa at ang DFA Kidapawan ay may kakayang magproseso ng pasaporte ng 5,000 aplikante kada buwan.
Nagpaabot naman ng suporta at pasasalamat si Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa mga kawani ng DFA kung saan kanyang tiniyak na magiging katuwang ng DFA ang pamahalaang panlalawigan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga Cotabateño.
Lubos naman ang pasasalamat ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa pagbubukas ng ng nasabing consular office na magkatuwang na naisakatuparan sa tulong nina Cotabato 2nd District Representative Rudy Caoagdan, Kidapawan City Mayor at ngayon ay 2nd District Board Member Joseph Evangelista, Regional Development Council (RDC-12), Department of Public Works and Highways (DPWH) Cotabato 2nd District Engineering Office, National Economic Development Authority o NEDA at DFA.
Ayon kay Mayor Evangelista, ang pagbubukas ng DFA sa lungsod ay nagbigay ng oportunidad sa turismo at mamamayan ng lungsod na mabilisang makapagproseso ng kanilang mga pasaporte na hindi na kailangang lumuwas sa Davao City o General Santos City.
Dumalo rin sa aktibidad sina DFA Assistant Secretary Office of Consular Affairs Henry S. Bensurto Jr., 2nd District Board Member Joseph A. Evangelista, Former Board Member Rey Pagal bilang kinatawan ni 2nd District Congressman Rudy Caoagdan, NEDA XII Regional Director at Acting RDC XII Chairperson Teresita Socorro C. Ramos at mga City Councilors mula sa lungsod ng Kidapawan.
Ang DFA Office ay bukas Lunes hanggang Biyernes 10AM- 6PM at ito ay matatagpuan sa Alim St. Poblacion Kidapawan City, katabi ng overland terminal.//idcd-pgo//