Amas, Kidapawan City (Hulyo 27, 2022)- Sa ika-dalawampu’t tatlong (23) araw matapos ang kanyang opisyal na pag-upo bilang bagong halal na gobernador ng lalawigan, inilunsad na ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang pangako nitong medical-dental mission sa pinakamalayong bayan sa probinsya nitong Hulyo 22, 2022.
Kasama ang mission team, tinungo ni Governor Mendoza ang Kalawaig, Banisilan sa ikatlong distrito ng probinsya na lubos namang pinasalamatan ng mga residente dahil sa libreng konsultasyon, bunot ng ngipin, mga gamot at bitamina, libreng tuli at maging bakuna laban sa Covid-19. Abot sa 119 na mga residente ng barangay ang nakabenispisyo sa nasabing aktibidad.
Samantala, sabay ring isinagawa ang kaparehong aktibidad sa Mulok, Pigcawayan at Binoongan, Arakan para sa una at ikalawang distrito kung saan may 165 na mga mamamayan ang nakinabang sa mga serbisyong medikal.
Kahapon, Hulyo 26, 2022 mahigit 600 mga residente naman ng Brgy. Luanan, Aleosan ng 1st district; Brgy. Luhong, Antipas ng 2nd District; at Brgy. Bunawan, Tulunan ng 3rd district ang nabigyan ng medikal na serbisyo ng Integrated Provincial Health Office katuwang ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Sa kanyang mensahe, binigyang diin ng gobernadora na isa sa mga prayoridad na programa nito ang pagbibigay ng sapat na serbisyong medikal sa bawat Cotabateño. Pinasalamatan rin ni Mendoza ang mga lokal na opisyales, kapulisan at ang mga kasundaluhan na walang sawang sumusuporta sa mga adhikain ng pamahalaang panlalawigan.//idcd-pgo//