Amas, Kidapawan City (Hulyo 20, 2022)- Tututukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang mga programa para sa fisherfolks ng probinsya.
Ito ay matapos magsagawa ng cross-visit si Governor Emmylou Taliño Mendoza kasama ang ilang personahe ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), representante mula sa academe at iba pang ahensya sa Fish Processing Plant, Feedmill at Fish Cages sa lungsod ng Bulacan at Talisay, Batangas nitong Hulyo 16-17, 2022.
Layunin ng nasabing cross-visit na tingnan kung anong magagandang programang ipinapatupad sa mga binisitang lungsod ang maaaring ireplicate o gayahin ng lalawigan.
Ayon kay OPAg Fisheries Division Chief Jeralyn Magbanua, ang pagbibigay sa kanila ng oportunidad ni Governor Mendoza na mabisita ang mga lugar na naging matagumpay sa larangan ng aquaculture industry ay magsisilbi nilang batayan sa paglikha ng mga bagong programa na angkop sa pangangailangan ng mga fisherfolks ng lalawigan.
Sa ngayon ay pinag-aaralan na ng OPAg kung anong programa ang maaari nilang ipatupad sa probinsya na makakatulong sa mga fisherfolks gaya ng paglalagay ng fresh water fish hatcheries upang mapababa ang production cost at mapataas ang produksyon ng mga mangingisda.
Kasama rin sa nasabing cross-visit sina Former Regional Director ng DA12 Amalia Datukan, Southern Baptist College President Dr. Edwin Baliki, DZRH Broadcaster Angelo Palmones, Former Board Member Loreto Cabaya at ilang personahe ng OPAg.//idcd//