Tututukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang mga programa at proyekto para sa kabataan.
Nitong araw ng Lunes, Hulyo 18, 2022 isang pagpupulong ang pinangunahan ni Provincial Federation President Board Member Sarah Joy L. Simblante kasama ang Department of the Interior and Local Government, Sangguniang Kabataan Municipal Federation Presidents at Local Youth Development Officers (LYDO) mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan upang pag-usapan ang mga programa para sa kabataan na nais ilatag ng pamunuan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza.
Kabilang sa mga natalakay sa nasabing pagpupulong ang paglikha ng Provincial Local Youth Development Division na siyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga programang pangkabataan at magsisilbing tulay upang agarang matugunan ang pangangailangan ng youth sector sa lalawigan.
Ayon kay Board Member Simblante, sa ngayon ay patuloy na nakikipag-ugnayan ang kanyang opisina sa mga SK Officials at LYDO upang makapaglatag ng mas magaganda at komprehensibong plano para sa kabataan alinsunod na rin sa direktiba ni Governor Mendoza na mabigyan ng pantay na oportunidad ang kabataan sa probinsya.
Kabilang rin sa mga programang nais maisakatuparan ng kasalukuyang administrasyon ay ang pagkakaroon ng Provincial Youth Development Summit kung saan magkakaroon ng konsultasyon sa pagitan ng probinsya at sektor ng kabataan upang makuha ang kanilang mga isyu, hinaing at programang nais iprayoridad ng probinsya; pagsasagawa ng Cotabato Young Leaders Congress upang mahasa ang kanilang kakayahan sa pamumuno; pag institutionalize ng Governance Exemplars for Meaningful Service for SK (GEMS for SK) at muling pagsasagawa ng Summer Kids Peace Camp Program na isa sa mga flagship program ng kasalukuyang administrasyon.
Dumalo rin sa nasabing pagpupulong si Board Member Krista Piñol Solis, Committee on Youth and Sports Member ng Sangguniang Panlalawigan, at DILG Representative Vita Gumahad.//idcd//