Sa unang linggo ng panunungkulan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza agad nitong binisita ang iba’t ibang opisina ng kapitolyo upang makita ang kasalukuyang estado ng bawat departamento, mga pangangailangan nito at upang matiyak na ang bawat kawani ay nakapagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko na nararapat para sa bawat Cotabateño.
Sa kanyang paglilibot at pakikipag-usap sa mga kawani ng pamahalaang panlalawigan binigyang diin ng gobernadora na bilang lingkod bayan obligasyon ng mga ito na maglingkod ng mahusay at maging inspirasyon sa mga taong nakakasalamuha nito araw-araw.
Ayon kay Governor Mendoza, “As government workers, we are paid by taxpayers money and it is our duty to do our task professionally and diligently.”
Bahagi ng isinusulong na 12-point agenda ng kasalukuyang administrasyon ang tiyakin na ang bawat sentimo ng buwis na ibinabayad ng bawat Cotabateño ay nagagamit sa tama at napupunta sa mga proyektong kailangan ng Cotabateño.
Sa kanyang pagbabalik bilang punong ehekutibo ng probinsya, agad nitong ipinatupad ang flag-raising ceremony tuwing Lunes na mahigit dalawang taon ring sinuspinde dahil sa pandemya.
Pinaalalahanan din nito ang mga kawani ng pamahalaang panlalawigan lalo na ang mga bagong emplyeyado na sauluhin ang panunumpa ng isang lingkod bayan na magpapaalala sa kanilang malaking responsibilidad sa taumbayan. //idcd//