Simula ngayong buwan, Makakatanggap na ng buwanang rice assistance mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang mga law enforcers ng probinsya.
Ito ang inanunsyo ni Provincial Peace and Order Council (PPOC) Chair Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa una nitong PPOC Meeting nitong Hulyo 6, 2022 sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.
Ayon kay Governor Mendoza, ang nasabing rice assistance ay suporta ng probinsya sa mga law enforcers na malaki ang ginagampanang papel sa pagpapanatili ng katiwasayan sa lalawigan.
Kabilang sa makakatanggap ng nasabing rice assistance ay ang Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Cotabato Police Provincial Office (CPPO), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Nagpahayag naman ng kanilang suporta sa pamunuan ni Governor Mendoza sina CPPO Provincial Director PCol Harold Ramos, Eastern Mindanao Command Deputy Commander BGen. Potenciano Camba, at 6ID Commander MGen. Roberto Capulong at nangakong susuportahan ang lahat ng inisyatibong pangkapayapaan ng pamahalaang panlalawigan.
Bahagi rin ng peace initiatives na nais isulong ng administrasyon ni Mendoza sa ilalim ng kanyang 12-point agenda ay ang pagsasagawa ng Rido Orientation upang mapanatili ang katiwasayan sa mga komunidad lalo na sa mga lugar ng probinsya na apektado ng armed conflict dahil sa away pamilya.//idcd//