Amas, Kidapawan City- Pinapaigting ngayon ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ang information drive hinggil sa cassava phytoplasma disease na nakaapekto sa taniman ng cassava sa bayan ng Banisilan, Cotabato.
Ayon kay Provincial Integrated Pest Management Coordinator Rogaya Acoy, abot sa 114 hectares na taniman ng cassava sa nabanggit na bayan ang apektado ng nasabing sakit ng kamoteng kahoy.
Katuwang ang Department of Agriculture- Regional Crop Protection Management Center (DA- RCPMC) at Municipal Agriculturist ng bayan ng Banisilan patuloy ngayon ang pagsasagawa ng OPAg ng information drive at quarantine measures upang mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit sa iba pang lugar ng lalawigan.
Batay sa datus ng OPAg, sa ngayon ang lalawigan ay mayroong higit sa 1,500 hectares na taniman ng cassava at ito ay matatagpuan sa mga bayan ng Banisilan, Carmen, Tulunan, M’lang, Aleosan, Libungan, Makilala, Alamada, Matalam at Kidapawan City.
Ang phytoplasma disease ay sakit ng cassava na dulot ng bacteria-like organisms na phytoplasma at ang kadalasang sintomas ng nasabing sakit ay ang paninilaw o paglila ng dahon, pag-ikli ng internodes at ring like black patches sa phloem pag pinutol ang halaman. Ayon sa pag-aaral ito ay itinuturing na malaking banta sa industriya ng cassava o kamoteng kahoy kung hindi agad maagapan.//idcd-pgo//