Amas, Kidapawan City-Uumpisahan na sa lalawigan ng Cotabato ang pagtatayo ng P50-M Trade and Processing Center matapos isagawa nitong araw ng Biyernes, Disyembre 10, 2021 ang groundbreaking ceremony at time capsule laying sa pangunguna ni Governor Nancy A. Catamco.
Ang naturang proyekto ay isa sa mga prayoridad na tinututukan at isinusulong ng liderato ni Governor Catamco upang mas lalo pang mapabuti ang kabuhayan ng mga Cotabateño.
Ito ay ipapatayo sa 27.2 hectares na lupa ng provincial government sa Brgy. Pag-asa, M’lang Cotabato na pinondohan sa ilalim ng 2021-5% Gender and Development Fund ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe binigyang diin ng gobernadora, na ang naturang trade and processing center ay makakatulong sa paglago ng ekonomiya at magbibigay ng pagkakataon sa mga magsasaka na makilala ang kanilang lokal na produkto at madagdagan ang kanilang kita.
Dagdag pa niya na magbubukas din ito ng oportunidad sa mga Small Medium Micro Enterprises (MSMEs) lalo pa at nalalapit na ang pagbubukas ng Central Mindano Airport sa Brgy. Tawan-tawan sa nasabi pa ring bayan.
Pinasalamatan din nito ang mga opisyales ng LGU M’lang sa pamumuno ni Mayor Russel M. Abonado, Barangay Pag-asa Chairman Gerardo D. Joligon at konseho nito maging mga kasamang opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan sa tulong at suporta ng mga ito upang maisakatuparan ang naturang proyekto.
Pagsaludo at pasasalamat naman ang naging mensahe ni Mlang Mayor Abonado sa ina ng lalawigan dahil sa buhos na mga proyektong ipinagkaloob nito sa kanyang bayan at sa determinasyon nito na matulungan ang mamamayan ng lalawigan.
Kapwa naman pinuri at pinasalamatan nina SOCSKSARGEN Area Development Project Office Manager, Engr. Ginalyn Fe C. Catchuela at DTI XII Regional Director Jude Constantine S. Jaugan sa kanilang mensahe si Governor Catamco sa pagiging masigasig nito na maisakatuparan ang trade processing project sa lalawigan at kauna-unahang agri-industrial hub sa buong Rehiyon XII.
Taos-puso naman ang pasasalamat ni Brgy. Pag-asa Chairman Joligon, sa gobernadora dahil aniya sa wakas masisimulan na ang proyekto matagal na nilang hinihintay na makakatulong hindi lamang sa kanyang nasasakupan maging sa buong probinsya.
Ayon kay, Provincial Planning and Development Coordinator Cynthia Ortega, ang itatayong trade and processing center ay isa sa mga 6 components ng Agro Industrial Park (CAIP) proposed project ng provincial government na kinabibilangan ng Silage, Feedmill, Cattle and Goat Dairy Production, Food Processing, Cold Storage Facility at Box Plant.
Kung matatandaan ang proyektong CAIP ay sinimulan noong panahon pa ni dating Cotabato Governor Emmanuel F. Piñol na ipanagpatuloy ng kasalukuyang administrasyon.
Kasama rin ng gobernadora sa naturang aktibidad sina 2nd District Board Member Ma. Krista Piñol-Solis, MD, Mayor Russel M. Abonado, Vice Mayor Joselito F. Piñol, CPIPC Head Mr. Norito Mazo, DTI Cotabato Provincial Director Ferdinand Cabiles, National Dairy Authority Representative Mr. Marlon C. Flores, Managing Director of E&J livestock Mr. Dante Aladin, Former Provincial Administrator Mr. Efren F. Piñol at provincial department Heads.//idcd//photo by PR Team//
One thought on “Groundbreaking ng P50-M Cotabato Trade and Processing Center sa lalawigan isinagawa”
Congrats! More power!