Amas, Kidapawan City- Aasahang magkakaroon ng dagdag na kabuhayan ang mga pamilyang nakatira sa high risk areas sa Kidapawan City bago matapos ang taong 2021.
Ito ay matapos pormal nang nilagdaan nina Governor Nancy A. Catamco at AAH Philippine Mission Country Director Suresanathan Murugesu ang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato at Action Against Hunger (AAH) kahapon, Nobyembre 17, 2021, sa Provincial Governor’s Office, Amas, Kidapawan City.
Abot sa P360,000 livelihood assistance ang ibibigay sa 28 Community Savings Group (CSGs) ng syudad na sumailalim sa training and orientation mula sa MOVE UP 4 Mindanao Project ng Action Against Hunger.
Sa nasabing MOU magpapatupad ng mga programa at proyekto na may kinalaman sa Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation; Good Governance; Water Sanitation and Hygiene; Food Security and Livelihoods; at Health and Nutrition ang AAH sa pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan.
Samantala, sa ilalim naman ng MOVE UP 4 Mindanao Project, magbibigay ito ng alternative temporary shelters, resilient livelihoods, social protection, rapid response mechanisms para sa mga lugar na apektado ng kalamidad.
Ayon kay MOVE UP 4 Mindanao Deputy Head of Project Louie Bullanday maliban sa P360K livelihood assistance para sa nabanggit na savings group, magbibigay din ng P200K livelihood starter kits sa organized community groups ng Kidapawan City ang MOVE UP 4 Mindanao.
Bahagi rin ng programang ipapatupad ng AAH ang Water Sanitation and Hygiene (WASH) program na may layunin na tiyaking mayroong malinis na maiinom na tubig ang bawat komunidad at magkaroon ng ligtas sa sakit na kapaligiran.
Nagpasalamat naman si Governor Catamco sa mga programa at proyektong ipapatupad ng AAH sa lalawigan at sa tulong nito para sa mga naging biktima ng nagdaang lindol noong 2019 kung saan malaki aniya ang naiambag ng naturang humanitarian group sa pagbangon ng probinsya mula sa dagok ng nasabing kalamidad.
Tiniyak naman ni AAH Country Director Murugesu na ang kanilang organisasyon ay laging bukas tumulong lalo na sa mga barangay ng probinsya na nangangailangan ng kanilang interbensyon.
Sa kasalukuyan, may apat na probinsya at limang syudad sa Mindanao ang napiling benepisyaryo ng MOVE UP Project na kinabibilangan ng North Cotabato, Surigao Del Sur, Bukidnon, Misamis Oriental, at mga syudad ng Kidapawan, Marawi, Iligan, Tandag, at Cagayan de Oro.
Ang MOU signing ay sinaksihan din nina AAH Cotabato Head Base Delilah Chua, Provincial Administrator Lani S. Candolada at Atty. Jonah Denaque Mineses.//idcd//