Amas, Kidapawan City- Upang matulungan ang mga Bangsamoro Women ng 63 barangay ng lalawigan ng Cotabato na sakop na ngayon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) isang Provincial Empowered Women’s Summit ang isinagawa pangunguna ng Provincial Governor’s Office sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City, nitong araw ng Lunes, Setyembre 27, 2021.
Ang summit ay dinaluhan ng 100 Bangsamoro Women na nagtapos sa iba’t-ibang skills and livelihood training bilang bahagi ng pagsisikap na matulungan at patatagin ang sektor ng kababaihang moro sa lalawigan.
Nagpaabot naman ng kanyang pagbati at pagsuporta si Cotabato Governor Nancy A. Catamco sa pamamagitan ni Gender and Development Focal Person (GADFP) Dyanne Kristine A. Cedeño.
Ayon kay Cedeño ang pamunuan ni Governor Catamco ay laging handang tumulong at magbigay ng iba’t-ibang programa kung ito ang siyang paraan para sa ikakaunlad ng mga kababaihang moro na dating sakop ng lalawigan.
Ayon kay Provincial Muslim Affairs Head Meriam U. Pidtukasan, ang aktibidad ay parte ng P11M Bangsamoro Women Empowerment Program ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) na ipinapatupad sa pamamagitan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato. Kasama rin dito ang livelihood assistance na ibibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Dagdag pa ni Pidtukasan na ang programang ipinagkaloob sa mga bangsamoro women ay magbubukas ng isang oportunidad lalo na sa paglinang ng kanilang angking kakayahan at talino sa pagpapatakbo ng kanilang uumpisahang maliit na pangkabuhayan. Dumalo rin sa naturang aktibidad sina CFCST College of Arts and Sciences Dean Charima Mentoc, PPIU Manager/Consultant Rodilo Lebiano, BARMM Women Commissioner MP Bainon Karon, BARMM Ministry of Science and Technology MP Aida Silongan, 1st Lt. Grace Guting, at 2nd Lt. Floren Bulauan.//idcd-pgo//