Luvimin, Kidapawan City (September 25, 2021) – Aprobado ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre “Bebot” H. Bello ang kahilingan ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco na karagdagang TUPAD (Tulong para sa ating mga Displaced) workers beneficiaries para sa lalawigan ng Cotabato.
“Magbibigay ako ng ng P10M na dagdag alokasyon para sa pangkabuhayan at TUPAD beneciaries ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.”
Ito ang inihayag ni Sec. Bello kasabay ng isinagawang maiksing programa bilang pagtanggap sa Kalihim sa kanyang pagbisita sa lalawigan kanina sa Barangay Luvimin, Kidapawan City na pinangunahan ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco, ilang opisyales ng pamahalaang panlalawigan, mga punong ehekutibo ng local government units (LGUs), meyembro ng Sangguniang Bayan at ilang mga opisyales mula sa DOLE.
Ayon sa Kalihim na ito ay maliban pa sa karagdagang 10,000 TUPAD beneficiaries para sa sampung (10) bayan na kinabibilangan ng Pigcawayan, Alamada, Libungan,Midsayap, Pikit, Tulunan, M’lang, Matalam, Banisilan at Makilala.
Dagdag pa ni Sec Bello na personal itong hiniling ni Governor Catamco sa kanya na madagdagan pa ang TUPAD beneficiaries ng lalawigan dahil sa hirap na dinaranas ngayon ng mga mamamayan dahil sa ng pandaigdigang krisis na sanhi ng pandemya.
Ikinagalak naman ng Kalihim ang pagiging masigasig at maayos na pagpapatupad ng pamahalaang panlalawigan sa mga programa ng DOLE sa buong probinysa kaya tiniyak din nito ang karagdagang tulong.
Labis naman na nagpasalamat si Governor Catamco kay Sec. Bello sa suporta nito para sa mga mamamayan ng Cotabato.
Isang malaking tulong aniya ang naturang programa para sa mga naghihirap nating kababayan at layunin ni Gov. Catamco na mapaabot sa mas nakararami ang tulong mula sa pamahalaan.//dcd-pgo//