New Cebu, Pres. Roxas – Upang maipagpatuloy ang pagbibigay ng tunay na serbisyo na kinakailangan ng mga mamamayan sa lalawigan ng Cotabato lalo na ngayong panahon ng pandemya, muling umarangkada sa paghahatid ng serbisyo para sa mga conflict-affected barangays ang Nagkakaisang Adhikain para sa Cotabateños, Lokal Serbisyo Caravan (NAC-LSC).
Nitong araw ng Huwebes, Setyembre 16, 2021, daan-daang residente ng New Cebu President Roxas, Cotabato ang nabiyayaan ng mga serbisyo mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Taos puso naman na pinasalamatan ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga programa at proyekto nito lalo na sa End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kung saan labis na nakakatulong na mapabuti ang mga conflict-affected barangays hindi lang sa probinsya ng Cotabato maging sa buong bansa.
Kasama rin sa pinasalamatan ng gobernadora ang lahat ng mga ahensyang katuwang sa pagsasagawa ng NAC-LSC sa lalawigan.
Nagpaabot naman ng kanyang personal na pagbati si DILG Regional Director Josephine Cabrido Leysa sa lalawigan ng Cotabato dahil sa buong Rehiyon XII ito ang kauna-unahang lalawigan na nagsagawa ng groundbreaking ceremony para sa ipapatupad na P20M Support to Barangay Development Program (SBDP) ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sa kabuoang 62 barangays na ELCAC beneficiary para sa taong 2021 sa buong rehiyon dose, 36 rito ay mula sa lalawigan ng Cotabato. Ito ay kinabibilangan ng 5 barangays mula sa Pres. Roxas, 24 galing sa ibat-ibang bayan, habang 7 naman ang mula sa lungsod ng Kidapawan.
Ang 36 barangays na nabanggit ay makatanggap ng tig P20M mula sa pamahalaang nasyunal.
Nagpasalamat naman si Pres. Roxas, Municipal Mayor Jonathan Mahimpit sa programa ng national government, kay Governor Catamco at iba pang ahensya ng gobyerno na maisakatuparan ang mga proyektong matagal ng pinapangarap ng mga mamayan ng Barangay New Cebu at La Esperanza.
Labis naman ang pasasalamat ni New Cebu Barangay Captain Eulogio Embalzado dahil sa biyayang natanggap ng kanyang barangay mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad si DILG Provincial Director Ali B. Abdullah, 1002nd Brigade Commander, BGen Potenciano Camba, Board Member Philbert Malaluan,Provincial Administrator Efren F. Piñol, representante ng iba’t-ibang ahensya, at provincial chiefs of offices.//idcd-pgo//