Amas, Kidapawan City- Pinarangalan ngayong araw ang apat na barangay sa probinsya sa epektibong pamamahala nito sa kanilang nasasakupan.
Kasama ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa paggawad ng naturang parangal sa apat na barangay mula sa iba’t-ibang bayan sa lalawigan na may mahusay na implementasyon ng “Katarungang Pambarangay” para sa taong 2020.
Pinangunahan ni Governor Nancy A. Catamco at DILG Provincial Director Ali B. Abdullah ang pagbigay ng Lupong Tagapamayapa Incentive Awards sa mga napiling barangay sa lalawigan kasabay ng isinagawang Awards Day nitong araw ng Martes, Agosto 31,2021 bilang bahagi ng Kalivungan Festival 2021.
Sa municipal category, nakuha ng Kitubod, Libungan ang unang puwesto kung saan nakatanggap ito ng plake at cash incentive na P200,000; nasa ikalawang puwesto naman ang Brgy. F. Cajelo, Tulunan na nakatanggap rin ng plake at cash incentive na P150,000 at nasa ikatlong puwesto ang Brgy. Singkatulan, Makilala na tumanggap ng plake at P100,000 cash incentive.
Para sa City Category nanguna naman ang Poblacion, Kidapawan City na tumanggap ng plaque of recognition at cash award na P200,000.
Layunin ng nasabing gantimpala na mas palakasin pa ang mga lupong tagapamayapa sa lalawigan lalung-lalo na sa pagresolba sa mga problemang kinakaharap ng barangay na may kinalaman sa pagnanatili ng katiwasayan at kapayapaan.//idcd-pgo//