Magpet, Cotabato – “Bukas ang kapitolyo para sa lahat at nakahanda akong makinig sa anumang suliranin na gusto ninyong iparating.”
Ito ang tiniyak ngayon ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco sa 70 dating mga rebelde na nagtapos ngayong araw ng Lunes, Hunyo 28, 2021 sa labinlimang (15) araw na seminar sa ilalim ng deradicalization program ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Dagdag pa ng gobernadora na nakahanda ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato lalo na ang kanyang tanggapan na sumuporta sa lahat na gustong magbalik-loob sa gobyerno para magbagong-buhay.
Ang nasabing programa ay ginanap sa Headquarters ng Alpha Company, 72nd Infantry Battalion, Brgy. Pangao-an Magpet, Cotabato bilang pagtalima sa Executive Order No. 70 o whole-of-nation approach na wakasan ang insurhensiya at tulungang makabalik sa kani-kanilang mga pamilya at komunidad ang mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
Ang mga former rebels na nagsipagtapos sa seminar ay mula sa mga bayan ng President Roxas, Magpet, at Arakan, Cotabato at ilang lugar sa lalawigan ng Bukidnon.
Labis naman ang pasasalamat ni 72nd Infantry Batallion Commanding Officer Lt. Col Jose C. Regonay, Jr. at BGen Potenciano C. Camba sa pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Governor Catamco sa dedikasyon at buong suporta nito sa programa ng AFP lalo na sa larangan ng pagkamit ng kapayapaan sa lalawigan.
Kaugnay nito, nakatanggap din ng tig P15,000 cash assistance ang mga rebel returnees mula sa provincial government at relief assistance naman mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang 15-days balik-loob program ng AFP ay may temang: “Pag bag-o ug pagbalik sa sabakan sa gobyerno aron makab-ot ang kahapsay ug kalinaw.”//idcd-pgo//