Amas, Kidapawan City- Nakatakda ng buksan sa publiko ang bagong Covid-19 isolation facility sa Cotabato Provincial Hospital (CPH).
Ito ang inihayag ni Integrated Provincial Health Officer Dr. Eva C. Rabaya matapos bisitahin ni Governor Nancy A. Catamco ang nasabing isolation facility nitong araw ng Martes, Hunyo 22, 2021.
Ang CPH isolation Covid-19 facility ay mayroong 27 bed capacity para sa moderate Covid cases. Naglaan din ang CPH ng 3 kama na magsisilbing holding area habang hinahanapan pa ng referral hospital ang mga pasyenteng may severe and critical cases.
Mayroon din itong OR/DR complex, pre at postpartum at recovery room para sa mga pasyenteng may Covid na manganganak o sasailalim sa operasyon.
Ayon kay CPH Chief of Hospital Dr. Joel Nelton Sungcad, maliban sa existing isolation facility tinatapos na rin ngayon ang konstruksyon ng gusaling nagkakahalaga ng P25M na pinondahan sa ilalim ng bayanihan grant to heal as one act. Ito ay may 7 bed capacity, negative pressure facility with hepa-filters at type-in oxygen na magsisilbing intensive care unit (ICU) ng mga pasyenteng nasa severe or critical na kondisyon.
Dagdag pa ni Dr. Sungcad na nakahanda na rin ang apat na medical teams na binubuo ng 3 nurses, 1 utility at isang doktor na siyang mag-alaga ng mga pasyente sa nasabing pasilidad.
Umaasa naman si Governor Catamco na sa pagbubukas ng panibagong pasilidad sa lalawigan ay agarang mabigyan ng medikal na atensyon ang mga pasyenteng may Covid.
Pinasalamatan din nito ang lahat ng medical frontliners ng lalawigan sa walang kapaguran at dedikasyon nitong makapagsilbi sa mga Cotabateños sa kabila ng peligrong maaring idulot ng virus sa kanilang kalusugan at maging sa kanilang mga mahal sa buhay.//idcd-pgo//