Amas, Kidapawan City (April 19, 2021) – Malaki ang kumpyansa ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco na bago pa matapos ang taong 2021 ay maisakatuparan na ang hangarin nitong bigyan ng mura ngunit desenteng pabahay ang nangangailangan nito sa lalawigan.
Ito ang naging pahayag ng gobernador kasabay ng isinagawang Oath Taking ng mga newly elected officers ng Provincial Federation of Homeowners Association (HOA) na mismong si Governor Catamco ang nagpasinaya.
“With your help and cooperation and our partners in this endeavor, with all our concerted efforts, I know that our dream to provide home to the homeless will surely be realized in our province. I am really hoping nga matuman na gyud kini karong tuiga” saad ni Governor Catamco sa mga HOA officers na naroon.
Humingi din ng pang-unawa si Governor Catamco sa mga requisitos o papeles na kailangang ma-comply ng mga aplikante at nagpaalala na isa itong shared responsibility sa pagitan ng pamahalaan at magiging benepisyaryo ng programa.
Personal din na hiniling ng gobernadora ang commitment nina Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) 12 Regional Director Jennifer C. Bretaña at National Housing Authority (NHA) 12 Regional Manager Zenaida M. Cabiles upang maisakatuparan sa lalong madaling panahon ang nasabing programa.
Pareho namang nagpahayag ang mga ito ng positibong tugon ang dalawang ehekutibo hinggil sa nasabing hangarin ni Governor Catamco na mabigyan ng mura ngunit desenteng pabahay ang mga mamayan ng probinsya.
Bago pa ang oath taking ceremony, nagsagawa din ang Provincial Socialized Housing Program Technical Working Group ng capacity building para sa mga homeowners association (HOA) officers mula sa iba’t ibang LGUs kung saan kabilang sa mga topikong tinalakay ay ang mandato ng DHSUD na isa sa mga katuwang ng probinsya sa nasabing programa.
Tinalakay din ang Magna Carta for Homeowners and Homeowners Association, Community Empowerment and Participation through HOA Federation, at NHA Housing Programs at SHFC Socialized Housing Program.
Naroon din sa nasabing aktibidad si Socialized Housing Finance Corporation OIC-Vice President for Southeastern Mindanao Lawrence N. Bañiso at OIC-Homeowners Association and Community Development Division DHSUD 12 Shirley M. Diansay.Noong nakaraang buwan, dumalo din ang mga opisyales mula iba’t ibang housing association at iba pang stakeholders mula sa buong lalawigan sa dalawang araw na training-orientation seminar hinggil sa Socialized Housing program ng pamahalaan.//idcd-pgo//