Amas, Kidapawan City – Magkakaroon na ng tahanan ang mga nagbalik loob na mga rebelde sa North Cotabato.
Pormal nang tinurnover ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni DILG XII Regional Director Josephine C. Leysa sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato ang P5 milyong halfway house o temporary home para sa mga rebel returnees.
Ang nasabing halfway house ay pinondohan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) na itinayo sa loob ng Capitol Compound, Amas, Kidapawan City kung saan ito ay magsisilbing temporary shelters ng mga susukong rebelde sa pamahalaan habang isinasaayos pa ang mga tulong at livelihood assistance na gagamitin nila sa kanilang pagbabagong buhay.
“We are gaining the success in our fight against insurgency, this halfway house will serve as instrument in pursuing genuine peace and development to our respective communities ,” masayang sinabi ni RD Leysa. Malugod namang nagpasalamat si Governor Nancy A. Catamco SA DILG na aniya ay suportado ang mga programa at adhikain ng lalawigan. Umaasa din si Governor Catamco na ang nasabing pasilidad ay makakatulong sa kampanya ng probinsya na mawakasan na ang insurhensiya at makamit na ang pangmatagalang kapayapaan.
“This half way house will serve as temporary shelter for our rebel returnees habang inaayos pa ang kanilang aplikasyon. I want them to feel that they are welcome and not condemned by the government,” ani Catamco. Binigyang diin din ng gobernadora na prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ang mga programang magsusulong ng kapayapaan at seguridad sa lalawigan.
“Peace and order is one of my priorities ngunit hindi ko ito magagawa nang mag-isa. Kailangan nating magtulungan upang makamit natin ang kapayapaan sa ating komunidad,”pagtatapos nito. Dumalo din sa nasabing turnover sina 1002nd Brigade CMO Officer Maj. Ferdinand Mopal, Board Members Philbert Malaluan, Krista Pinol-Solis, Cotabato Police Provincial Director Col. Henry Villar, DILG Provincial Director Ali B. Abdullah, Provincial Agrarian Reform Officer Rodolfo Alburo at mga Provincial Department Heads.//idcd//