Amas, Kidapawan City | Oktubre 8, 2024 – Maliban sa iba’t ibang programang pang-agrikultura na ipinapatupad ng Metro Arakan Valley Complex-Development Board (MAVCDB) sa mga bayang sakop nito, aktibong katuwang din ito ng kapitolyo sa pagbibigay ng tulong sa mga Cotabateño sa isinagawang Serbisyong Totoo Caravan nitong buwan ng Setyembre sa mga barangay sa probinsya na benepisyaryo ng programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay MAVCDB Head Secretariat Taya U. Tagitican, sa naturang aktibidad, namahagi ang kanilang tanggapan ng mga sumusunod: 400 Iron Bamboo seedlings na ginamit sa tree planting activities, tig-300 fruit tree seedlings ng Durian Puyat, Rambutan Malaysian Jade, mangosteen, coconut, at calamansi. Namahagi din ng 300 packs assorted vegetable seeds, at 4,000pcs o walong bags ng tilapia fingerlings.
Ang nabanggit na Serbisyong Totoo Caravan ay idinaos sa Brgy. Labuo (September 11) at Brgy. Bato-Bato (September 18) ng Pres. Roxas, at sa Brgy. Lama-Lama, ng Matalam (September 24).
Ito aniya ay resulta ng matibay na ugnayan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa MAVCDB na pinamumunuan ng chairperson nito na si Pres. Roxas Mayor Jonathan M. Mahimpit.
Samantala, kasabay ng pagdiriwang ng 26th Foundation Anniversary ng MAVC ngayong buwan, namigay din ito sa mga benepisyaryo mula sa nine (9) local government unit (LGU) alliances nito, ng planting materials ng Puyat at Musang King variety ng durian, 3 sets knapsack sprayers, 6 bags rice (black rice and tonner), kabuoang P75,000.00 cash plus t-shirts sa 100 katao, at marami pang iba. Bilang suporta, nagbigay din ng food at cash assistance sa nasabing selebrasyon sina Gov. Mendoza, Congresswoman Ma. Alana Samantha T. Santos, iba pang mga opisyales ng probinsya, at maging ang ilang pribadong indibidwal at sektor.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga inisyatibong ipinapatupad ng MAVC upang mapaunlad ang mga komunidad sa kanilang nasasakupang LGU kabilang na ang Antipas, Pres. Roxas, Arakan, Magpet, Matalam, Makilala, Kidapawan City, Mlang, at Kabacan.//idcd-pgo-gonzales/photoby:MAVC/