Pag-iwas sa bawal na gamot, adbokasiya ng PADAC sa Nueva Vida,M’lang

Amas, Kidapawan City/ Oktubre 6, 2024- Upang matuldukan ang proliperasyon ng ilegal na droga sa lalawigan, nagpatupad si Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ng malawakang information drive sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan. Pinangungunahan ito ng Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC) sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Department of Education (DepEd).

Kaugnay nito, nagdaos ng isang drug symposium sa Nueva Vida High School sa bayan ng M’lang kung saan lumahok ang 500 na mga estudyante mula grade 9 hanggang grade 12. Tinalakay dito ang mga pangunahing probisyon ng RA 9165 o ang Dangerous Drugs Act of the Philippines, at ang panganib na dulot ng paggamit ng ilegal na droga.

Samantala, ang lecture naman ukol sa drug-free workplace ay dinaluhan mg 40 na mga guro mula sa nasabing paaralan. Ibinahagi sa mga guro ang “Drug-Free Workplace” Policy ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na sinusuportahan ng pamahalaang panlalawigan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa mga institusyon at opisina.

Nakiisa rin si P/Major John Miradel Calinga bilang kinatawan ni Cotabato Police Provincial Director PCOL Gilberto Tuzon, na siya namang Vice Chairperson ng PADAC.//idcd-pgo j.abellana/photo by PADAC//.