
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga batang lumahok sa tatlong araw na Summer Kids Peace Camp (SKPC) ngayong araw, Mayo 21, 2025 sa Alamada Central Elementary School dahil sa magandang karanasang natamo nila sa aktibidad.
Ayon sa campers na sina Precious Cathy M. Abad ng Badak ES (North), Ashiyah U. Mapundo ng Mapurok ES (West) at Venus C. Anotado ng Bao Central ES (East), naging kapaki-pakinabang ang camp sa kanila dahil sa mga bagong natutunang mga aral, mga nakikilalang kaibigan, kasama na ang hindi malilimutang karanasan na mahalaga sa kanila upang maging responsableng indibidwal.
Sa pagbisita ni Gov. Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa closing program ng SKPC, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng paggalang sa kapwa, ang pagsisikap sa pag-aaral bilang pundasyon ng isang magandang kinabukasan, at ang tungkulin ng bawat kabataan na ibahagi ang kanilang mga natutunan sa kanilang mga kapatid at kapwa mag-aaral. Ayon sa gobernadora, ang mga aral na kanilang natutunan sa loob ng camp ay hindi dapat manatili lamang sa sarili, kundi ito ay ipaalam sa iba upang magsilbing gabay at inspirasyon sa lahat.
Pinarangalan naman ang ilang Grade 5 pupils bilang best campers at ilang mga guro bilang best pack chiefs. Samantala, napagkalooban naman sina Rondato Derequito ng Mapurok ES at Carris Tamay ng Guiling ES ng libreng bisikleta dahil sa kanilang ipinakita na kahusayan at sipag. Nasa closing program din si 1st District Board Member – elect Shirlyn Macasarte-Villanueva, district supervisors, partner agencies at mga kawani ng PGO-Provincial Youth Development Division at Provincial Budget Office na siyang nangasiwa ng aktibidad.//idcd-pgo-bellosillo/ Photoby: JWGuya//