Banisilan SKPC campers baon ang yaman ng kaalaman, karanasan at bagong kaibigan

Siksik sa karanasan at kaalaman, at umaapaw na saya ang baong pauwi ng mga batang Banisilanon na lumahok sa tatlong araw na Summer Kids Peace Camp (SKPC) 2025 na sinimulan nitong Lunes, ika-19 ng Mayo 2025 at nagtapos ngayong araw ng Marso 21.

Lalo pang naging “memorable” para sa mga batang campers ang last day ng nabanggit na camping event nang mismong si Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang naging espesyal na panauhin na nagbigay inspirasyon sa mga ito. Pinaalalahanan sila ng ina ng lalawigan sa layunin ng SKPC na isulong ang kapayapaan, linangin ang kanilang potensyal, at palaganapin ang respeto at pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba ng tribu, paniniwala, at kultura na babaunin nila hanggang sa paglaki.

“[The activities] helped us understand how we can be more responsible – not just for ourselves, but also for others, our community, and for God. We were reminded that even as children, we have a role to play,” pagbahagi ng isang camper na si Althea Ramos. Ayon naman kay Kathryn Grace Celis, “naging produktibo ang aking bakasyon” dahil sa SKPC kung saan kabilang sa kanyang natutunan ay ang “life skills, pakikipaghalubilo sa iba, at pagbibigay halaga sa ibang tribu”.

Sa naturang closing program na ginanap sa Banisilan Gym, kinilala rin ang mahalagang kontribusyon ng lahat ng partner agencies na nakibahagi sa aktibidad, lokal na pamahalaan ng Banisilan sa pangunguna ni Mayor Jesus F. Alisasis, at ginawaran ng medalya ang mga natatanging campers na nagpamalas ng husay sa tatlong araw na camping. Dalawang piling campers din ang pinagkalooban ng bisikleta sa ilalim ng “Padyak sa Pangarap” program ni Gov. Mendoza bilang bahagi ng pagsisikap nito na mabigyan ng kaukulang tulong ang mga mag-aaral.

Ang SKPC 2025 sa Banisilan ay pinangasiwaan ng Office of the Provincial Veterinarian sa pangunguna ni OPVet-OIC Dr. Rosemarie B. Guzman, katuwang ang PGO-Provincial Youth Development Division na pinamamahalaan ni Ms. Laarni Blase.//idcd-pgo-gonzales/photoby:GPuerto, OPVet//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *