Summer Kids Peace Camp 2025 sa bayan ng Alamada, sinimulan na

Bakas sa mga mukha ng higit 1,400 kalahok ng Summer Kids Peace Camp 2025 sa bayan ng Alamada ang pananabik at excitement nang pormal na binuksan ang makabuluhang pagtitipon ngayong Lunes, Mayo 19, 2025, sa Alamada Central Elementary School na sinimulan ng isang simpleng parada at district yells mula sa Alamada North, East, at West District. 

Ang programa ay isinakatuparan ng pamunuan ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza para sa Grade 5 students mula sa mga pampublikong paaralan sa probinsya na naglalayong mapalakas ang sektor ng kabataan bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan at pagkakaisa. 

Ibinahagi naman nina Princess Angel V. Pampag ng Bao Central Elementary School (East), Savera Shelea G. Egan ng Tawas Abaga Elementary School (West), at Queenie Mae L. Dizon ng Macabasa Elementary School (North) ang kanilang pananabik na makilahok sa tatlong araw na programa na puno ng bagong kaalaman, masasayang karanasan, at mahahalagang aral tungkol sa kapayapaan, pagkakaunawaan, at paggalang sa kapwa. Para sa kanila, ang SKPC ay hindi lamang isang karaniwang pagtitipon, kundi isang natatanging pagkakataon upang makilala at mahubog ang sarili at makatagpo ng mga bagong kaibigan.

Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng Provincial Governor’s Office – Provincial Youth Development Division (PGO-PYDD) at Provincial Budget Office (PBO), katuwang ang Department of Education (DepEd), at iba pang partner agencies. Dumalo naman dito sina SK Provincial Federation President / Ex-Officio Boardmember Karen Michie De Guzman at PGO- Governance Consultant Engr. Arnulfo Villaruz bilang mga kinatawan ni Governor Mendoza. Naroon din sina North District Supervisor Virthur E. Buenavista, West District Supervisor Jessette F. Morales, East District Representative at Bao Central Principal Elizabeth Sustiguer, at iba pang panauhin.//idcd-pgo-bellosillo/ Photoby: JWGuya//