
“Masaya at makakakuha ng karagdagang kaalaman at marami pang kaibigan mula sa iba’t ibang paaralan”– ito ang ilan lamang sa mga nais maranasan ng mga excited na Grade 5 pupils na sina Steffi S. Almares ng Makilala Central Elementary School at Blesselle Mae O. Sugse ng Malasila Elementary School na aktibong lumahok sa muling pag-arangkada ng Summer Kids Peace Camp (SKPC) 2025 ngayong araw ng Martes, Abril 22, 2025 sa bayan ng Makilala.
Tinatayang higit sa 1,700 na mga kabataan ang nakiisa sa pagbubukas ng naturang aktibidad na handog ng pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan ni Gov. Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza para sa mga mag-aaral na nasa ikalimang baitang sa lalawigan.
Bago pa man nagsimula ang programa ay game na game nang nakinig at nakipagsabayan sa mga facilitators ang mga partisipante na pinaalalahanan din sa mga dapat gawin sa tatlong araw na camp na may layuning maipaunawa ang kahalagahan ng kahandaan sa anumang sakuna, respeto sa kapwa, at pagbabagong maaaring maranasan ng mga ito habang nagdadalaga at nagbibinata.
Nagpaabot naman ng pasasalamat sa naturang inisyatibo ng kapitolyo si Department of Education Cotabato Schools Division Superintendent Romelito G. Flores na umaasang maibabahagi ng mga kabataan ang kanilang matututunan sa iba pang mag-aaral sa muling pagbabalik ng mga ito sa kanilang mga paaralan.
Nasa opening ceremony din sina SK Provincial Federation President/Ex-officio Boardmember Karen Michie de Guzman, Provincial Advisory Council members Gloria Mudanza, Alma Tuyan at Tessie Victoriano pati na ang iba pang kinatawan ng nabanggit na eskwelahan.//idcd-pgo-abellana/mombay/PhotobyCMombay//