Automated Counting Machine (ACM) na gagamitin para sa 2025 midterm election, ipinakilala

Amas, Kidapawan City I Disyembre 3, 2024-Apat na buwan bago ang itinakdang “midterm election” sa darating na May 12, 2025 ay opisyal nang ipinakilala ng Commission on Election (COMELEC) sa idinaos na “Orientation of New Counting Machine” ngayong Martes, ika-3 ng Disyembre 2024 sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City ang ACM o Automated Counting Machine na gagamitin ng mga botante sa “voting polls.”

Pakay ng naturang aktibidad na bahagi ng “Automated Counting Machine Roadshow Kick-off Nationwide” na mabigyan ng pagkakataon ang publiko na maunawaan ang kakayahan ng makina partikular na ang bagong “features, functions and operations” nito.

Ayon pa kay Kidapawan City Election Officer Atty. Noor Hafizullah M. Abdullah, ang ACM na gawa ng Korean company na Miru Systems ay may mataas na kakayahan upang basahin ang mga boto sa kabila ng hindi maayos na pisikal na estado ng papel o balota, “mapunit man, mabasa, may unnecessary marks at crumpled” ay kaya nitong bilangin, pati na ang “overvote at undervote,” saad pa nito.

Dinaluhan naman ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang mahalagang pagtitipon upang ihayag ang kanyang pagsuporta sa mga hakbangin ng COMELEC upang matiyak ang matiwasay at mapayapang halalan. Dito, pinayuhan ni Gov. Mendoza ang lahat na “be careful,” maging mapagmatyag, at makiisa sa eleksyon.

Sa pahintulot ng COMELEC, personal namang sinubukan ng butihing gobernadora ang pagpasok ng balota sa “counting machine” na sinundan naman ng mga opisyales sa lalawigan pati na ang iba pang media personalities.

Nasa nabanggit na kaganapan sina board members Jonathan M. Tabara at Sittie Eljorie Antao-Balisi kasama sina Provincial Advisory Council (PAC) member at PGO-Managing Consultant Rene P. Villarico, PGO-Executive Assistant Jessie Enid, Kabacan Municipal Mayor Evangeline P. Guzman at ilang COMELEC staff.//idcd-pgo-frigillana/photoby:CSMomba