Kontribusyon ng mga kababaihan sa sektor ng agrikultura, binigyang-pugay sa RIC Home Extension / Ma. Orosa Day

Amas, Kidapawan City | Nobyembre 29, 2024 – Binigyang-pugay ngayong araw sa ginanap na “RIC Home Extension / Ma. Orosa Day” ang mahalagang papel na ginagampanan ng Rural Improvement Club (RIC) bilang katuwang sa pagpapaunlad ng lalawigan lalo na sa maayos na pamamahala ng kanilang mga pamilya tungo sa matatag at progresibong komunidad.

Ang naturang aktibidad ay naging daan upang mabigyan ng pagkilala ang mga kababaihan sa kanilang kontribusyon sa pagpapaunlad ng agrikultura gabay ang mabubuting halimbawa at impluwensya ni Maria Y. Orosa na siyang “founder” ng home extension work.

Ipinaabot naman ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang kanyang pagkagalak at pasasalamat sa pamamagitan nina Boardmembers Jonathan M. Tabara at Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc kung saan binigyang diin ng mga ito ang hindi matatawarang pagsisikap ng organisasyon na maisulong ang programang pang-agrikultura, pangkaunlaran at pangkalusugan sa kani-kanilang komunidad.

Nakiisa rin sa aktibidad sina Provincial Advisory Council (PAC) members Former DA Regional Executive Director Amalia J. Datukan at Retired Judge Lily Lydia Laquindanum na nagpahayag din ng kanilang paghanga sa malaking ambag ng RIC sa mga programang itinataguyod ng pamahalaang panlalawigan lalo na sa larangan ng pagsasaka.

Naging tampok rin sa pagtitipon ang awarding ceremony para sa Best Community and Individual Vegetable Garden, agri-product showcase and display contest, dance and singing contest at iba pang mga palaro.

Ang aktibidad ay ginanap sa Provincial Gym, Amas, Kidapawan City sa pangangasiwa ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) sa ilalim ng pamamahala ni Acting Provincial Agriculturist Elena E. Ragonton kaagapay si Provincial RIC Coordinator Norberta M. Tahum. Narito din sina Provincial Agriculture and Fishery Council President Tiny R. Tamayo, RIC Provincial President Jennifer Ostique, Gng. RIC Philippines – Region XII 2024 Maricel Dado, mga kawani ng OPAg at iba pang bisita.//idcd-pgo-mombay/PhotobyCSMombay&OPAg//