Pagmamahal at malasakit sa volunteer workers ng SGA-BARMM, muling ipinadama ng kapitolyo

Amas, Kidapawan City| Nobyembre 22, 2024- Muling pinatunayan ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang kahandaan nito na tulungan ang bagong tatag na mga munisipyo sa ilalim ng Special Geographic Area of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM), matapos nitong ibigay ang honoraria ng mga Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Nutrition Scholars (BNSs), at Child Development Workers (CDWs) ngayong araw.

Sa panayam kay Amera Mamalumpong, BHW mula sa bayan ng Malidegao SGA-BARMM na dating sakop ng bayan ng Pikit, hindi nito sukat akalain na ipagkakaloob pa rin ni Gov. Mendoza ang isang taon nilang honoraria (Enero hanggang Disyembre) na nagkakahalaga ng P12,000.00 ngayong sila ay napabilang na BARMM Region.

Kaya, labis na pasasalamat ang ipinaaabot ng walong municipal mayors mula sa mga bayan ng Kapalawan, Old Kaabakan, Malidegao, Ligawasan, Tugunan, Nabalawag, Kadayangan, at Pahamuddin sa pagbibigay katuparan ng pamahalaang panlalawigan sa pangako nitong suporta.

Tiniyak naman ng ina lalawigan sa kanyang pagbisita kasabay ng nabanggit na distribusyon na ginanap sa Provincial Agri-center, Amas, Kidapawan City na patuloy na magiging katuwang ng SGA ang Cotabato dahil ang tagumpay nito ay maituturing ding tagumpay ng bawat Cotabateño.

Nagpasalamat din ang gobernadora sa personal na pagbisita ni Senator Imee Marcos sa okasyon na malaki rin ang naging kontribusyon sa paglikha ng naturang rehiyon sa pagsisikap na rin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Isang pagsaludo naman ang ipinarating ni Sen. Marcos sa mga frontliners na dumalo na ayon sa kanya ay malaki ang kontribusyon sa pagpapanatiling malusog ng bawat komunidad at pagtiyak na nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga batang nasa early childhood development centers.

Batay sa datos ng Integrated Provincial Health Office at Provincial Social Welfare and Development Office mayroong abot sa 324 BHWs, 51 BNSs, at 103 CDWs ang nakatanggap ng kanilang isang taong honoraria o P12,000.00 bawat volunteer worker na may katumbas na kabuoang halagang abot sa P5,928,000.00 na pinondohan ng probinsya. //idcd-pgo-sotto/photobyCSMombay&WMSamillano//