Stakeholders mula sa iba’t ibang ahensya, sumailalim sa 3-day workshop ng DILG-LGA

Amas, Kidapawan City| Nobyembre 20, 2024 – Sumailalim simula ngayong araw sa 3-Day Workshop on Understanding Kahayag Courage Framework and Planning the Localization for Post Conflict Transformation ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa lalawigan ng Cotabato.

Ang nabanggit na aktibidad ay pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government – Local Government Academy (DILG-LGA) at Kahayag Foundation Inc. na naglalayong makabuo ng isang blueprint for peace and development para sa probinsya.

Sa kanyang naging mensahe, inihayag ni DILG Acting Provincial Director Inecita Kionisala na pilot area ng LGA para sa naturang aktibidad sa buong Pilipinas ang lalawigan dahil nakita nito ang pagsisikap ng provincial government na maisulong ang isang mapayapa at progresibong komunidad sa pamamagitan ng mga inisyatibong pangkapayapaan nito. Dagdag pa ni Kionisala na kilala rin bilang peace champion si Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na isa rin sa mga naging basehan ng ahensya at Kahayag Foundation para ilunsad ito sa probinsya ng Cotabato.

Sentro ng tatlong araw na workshop ang pagtalakay sa usapin ng positive peace na ayon pa kay Kahayag Founder Irene Santiago ay isang pagsisikap na mapalakas ang kapasidad ng mga lokal na pamahalaan sa pagtataguyod ng pangmatagalan at sustenableng kapayapaan katuwang ang iba’t ibang sektor sa lipunan.

Personal ding pinasalamatan ni Santiago si Governor Mendoza sa pagtugon nito sa kanilang kahilingang maging pilot area ang probinsya para sa nabanggit na programa.

Ang workshop ay ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City na magtatapos sa Biyernes Nobyembre 22, 2024. Dumalo rin sa pagbubukas ng programa sina Boardmember Joemar Cerebo, Kabacan Mayor Evageline P. Guzman, LGOO IV Eloise Omolida, project officers Santiago Samson at Noah Valencia, Kahayag Foundation President Patricia Ruivivar at Board of Trustee nito na si Marlon Dedumo.

Kabilang sa mga imbitadong partisipante sa aktibidad ang Philippine Army, Philippine National Police, Bureau of Jail Management and Penology , Prosecutors, Department of Agrarian Reform, LTO Kidapawan, SK Federation Presidents, Department of Education, at municipal mayors mula sa mga bayan ng Kabacan, Pikit, Pigcawayan, Aleosan, Libungan at Midsayap.//idcd-pgo-sotto//