Kontribusyon ng Child Development Workers para sa kapakanan ng mga kabataan, binigyang pagkilala sa CDWs Convention

Amas, Kidapawan City | Nobyembre 16, 2024 – Daan-daang Child Development Workers (CDWs) mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan ang nagtipon nitong Nobyembre 15 at 16, 2024 upang aktibong makiisa sa “CDWs Convention” na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan at pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Ito ay ginanap sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City, kung saan maliban sa pagpapamalas ng kanilang mga talento sa pagkanta at pagsayaw, naging daan din ang naturang aktibidad upang mabigyang pagkilala ang mahahalagang kontribusyon ng mga CDWs lalo na sa pagtugon sa pangangailangan ng mga kabataan. 

Naging kinatawan naman ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa naturang pagtitipon si Boardmember Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc na ipinaabot ang pagbati at pagsaludo ng butihing gobernadora sa mga pagsisikap ng CDWs sa probinsya bilang kaagapay ng mga magulang, pamahalaan at ng ahensya ng DSWD sa pangangalaga at pagpapabuti ng kalagayan ng mga kabataan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga programa para sa kapakanan ng mga batang Cotabateño.

Dito, inilahad din ni BM Dalumpines ang mga inisyatibo ng kapitolyo upang maihatid ang mga programang panlipunan na ipinapaabot ng pamunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., DSWD Secretary Rex Gatchalian at DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr.

Samantala, nakatanggap din ng family food packs ang mga CDWs bilang tulong mula sa DSWD sa kanilang pagpupunyagi at pagbibigay ng serbisyo.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan din nina PSWDO Head Arleen A. Timson, Davao City SWDO Elena G. Gabaton at iba pang panauhin.//idcd-pgo-mombay/PhotobyBMDalumpines, CSMombay & PSWDO//