Paglulunsad ng rice revolution program sa ikatlong distrito,  naging matagumpay

Amas, Kidapawan City| Nobyembre 16, 2024- Lubos na pasasalamat ang ipinarating ni M’lang Municipal Mayor Russel Abonado sa pamunuan ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, matapos ang matagumpay na paglulunsad ng “Rice Revolution Program” (RRP) para sa ikatlong distrito kahapon, Nobyembre 15 na ginanap sa Municipal Gymnasium ng bayan.

Ayon kay Mayor Abonado, ang pagmamahal at malasakit ni Gov. Mendoza sa bayan ay hindi maitatanggi dahil maliban sa suporta sa mga magsasakang Mlangeño benepisyaryo din ito ng iba pangang-imprastraktura.

Pinuri din nito ang probinsya sa paglulunsad ng RRP na isa sa mga inisyatibo ng lalawigan para mapataas ang ani at kita ng mga rice farmers sa pamamagitan ng pinagsamang tulong mula sa kapitolyo, lokal na pamahalaan at Department of Agriculture.

Samantala, naging makahulugan naman ang mensaheng ipinaabot ni Former Regional Director at ngayon ay Provincial Advisory Council Member Amalia J. Datukan, kung saan binigyang diin nito na ang RRP ay nakapaloob sa konseptong convergence, collaboration, at cooperation (3Cs ) na may layunin na sa pamamagitan ng pagbibigay ng anim na sakong fertilizer sa bawat ektaryang sakahan o may kabuoang 6, 700 ektaryang target na mga palayan, ay maaabot ng programa ang hangad nitong 5.5-6MT na ani para sa certified rice seeds at hindi naman bababa sa 5-7.5MT para sa hybrid rice seeds.

Kung sakaling magdadagdag pa ng dalawang sakong pataba ang farmers, inaasahang mas tataas pa ang ani ng mga ito ng higit 1-1.5 tonelada batay sa kompyutasyon ng Office of the Provincial Agriculturist o OPAg.

Sa kasalukuyan, mayroon ng 2,800 ektaryang sakahan ang naitala ng OPAg na makikinabang sa RRP at patuloy pa itong nakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para makumpleto ang 6, 700 ektaryang target nito sa buong probinsya.

Kahapon ay masayang tinanggap ng abot sa 500 benepisyaryo mula sa M’lang ang tig-anim na sakong fertilizer. Ang aktibidad ay dinaluhan ng mga representante mula sa PhilRice, Philippine Crop Insurance Corp., National Food Authority, DA-Provincial Office, DA-AmRes at iba pa.//idcd-pgo-sotto/photobyOPAG//