Amas, Kidapawan City | Nobyembre 13, 2024 – Tinatayang higit sa 700 na mga Ustadz o tagapagturo ng mga aral ng Islam mula sa tatlong distrito ng lalawigan ang nakatanggap ng tig-P5,000 na halaga ng ayuda ngayong araw na nagmula sa “Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS)” Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magkatuwang na itinataguyod ng tanggapan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DSWD XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. at pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa lalawigan.
Ang naturang tulong na may kabuoang halaga na P3.5M ay handog ng pamahalaang nasyonal na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para sa mga Cotabateñong Muslim na patuloy na nagiging kaagapay ng gobyerno sa pagpapaabot ng mga programa at serbisyo na makakabuti sa kanila.
Personal namang binisita at binati ni Gov. Mendoza ang mga benepisyaryo kasabay ng paglalahad nito ng mga programa tulad ng kasisimula pa lang na year-end relief, medical at mental health mission, pamamahagi ng pustiso, wheelchair, saklay at iba pa na ipinaaabot ng kanyang pamunuan para sa lahat ng Cotabateño.
Nasa naturang pay-out activity din si Boardmember Joemar S. Cerebo. Ito ay ginanap sa Provincial Covered Court, Amas, Kidapawan City na pinangasiwaan ng Provincial Governor’s Office-Muslim Affairs na pinangungunahan ni Edris P. Gandalibo, Al Haj. //idcd-pgo-mombay/PhotobyBMCerebo,WMSamillano&CSMombay//