Amas, Kidapawan City| Nobyembre 11, 2024- Naging makulay at masaya ang selebrasyon ng 68th Founding Anniversary ng bayan ng Carmen ngayong araw, Nobyembre 11, 2024 matapos ibida rito ang mayamang kultura at tradisyon ng mga Carmenians sa ginanap na “Pabonggahan sa Kalsada and Handurawan sa Kulturang Lumulupyo sa Carmen with Kinaraang Dula.”
Naging tampok sa okasyon ang magagarang tribal costumes at kakaibang presentasyon ng pitong grupo na nagmula sa iba’t ibang barangay ng bayan na nagtagisan ng galing sa pagsayaw at pagpapakita ng kanilang mga angking talento upang maiuwi ang tumataginting na P150,000.00 cash prize para sa magwawagi at P100,000.00 consolation prizes naman para sa participating groups na mabibigong manalo.
Personal na ipinaabot ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang kanyang pagbati sa ama ng bayan na si Carmen Mayor Rogelio Taliño kasama ang iba pang opisyales, at kawani ng munisipyo sa isang matagumpay na selebrasyon na nagpapakita ng pagkakaisa at kooperasyon ng bawat mamamayan ng bayan.
Ipinarating din nito kay Senator Lito Lapid ang buong pusong pasasalamat sa pagpapaunlak nito sa imbitasyon na maging panauhing pandangal at pagbibigay nito ng proyektong multi-purpose building na mapapakinabangan na ngayon ng mamamayan. Mas naging masaya pa ang okasyon ng magbigay ito ng P100,000.00 na karagdagang papremyo.
Nakiisa rin sa nabanggit na pabonggahan sa kalsada si 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos, boardmembers Ivy Dalumpines-Ballitoc at Joemar Cerebo, Kabacan Municipal Mayor Evangeline Guzman, Carmen 1st Lady Noemi Taliño, mga municipal councilors ng bayan, at Matalam Vice Mayor Ralph Ryan Rafael.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//