Kaalaman ng mga opisyal ng kooperatiba pinaunlad ng kapitolyo sa “Eskwela Kooperatiba” 

Amas, Kidapawan City | Nobyembre 10, 2024 – Sa pangunguna ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO),  idinaos ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA  kamakailan lang ang limang araw na “Eskwela Kooperatiba,” na nilahukan ng 122 na opisyal na nagmula sa 55 na pangunahing kooperatiba sa probinsya ng Cotabato.

Layunin  ng nasabing aktibidad na isinagawa sa tatlong batch na paunlarin ang kaalaman at kasanayan ng naturang mga  lider upang lalo nilang mapabuti ang pamamahala sa kanilang mga organisasyon na siya namang sinusuportahan ng butihing gobernadora. 

Sinimulan ang pagsasanay nitong Setyembre 17-20, 2024  para sa unang batch, na sinundan nitong Oktubre 7-11, 2024 sa Cooperative Bank of Cotabato (CBC) Kidapawan branch, samantalang, ang ikatlong batch ay ginanap nitong Nobyembre 4-8, 2024 sa CBC Midsayap branch. 

Naging sentro ng diskusyon ang sumusunod na modules: Module 1 – Fundamentals of Cooperative; Module 2 – Cooperative Governance and Management; Module 3 – Strategic Planning Workshop; Module 4 – Policy Formulation;  at Module 5 – Leadership and Value Re-orientation.

Dito,  nabibigyan ng sapat na kaalaman ang mga kalahok upang mapahusay ang kanilang pamumuno, kasanayan sa pagpaplano, at kakayahan sa pagpapabuti ng mga polisiya ng kanilang kooperatiba.

Nasa naturang aktibidad na pinangunahan ni Acting Provincial Cooperatives Officer Shirly C. Pace, ang mga CBC officers pati na sina Jose Alcantara at Rey Gauran ng PCDO na nagsilbing resource persons.// idcd-pgo-delacruz// Photoby: PCDO//