Carrying capacity ng Mt. Apo Natural Park, masinsinang  tinalakay sa Cotabato Sub-PAMB 4th Quarter Meeting 

Sa layuning mapangalagaan ang Mt. Apo Natural Park (MANP) na itinuturing bilang isang strict protected area na matatagpuan sa pagitan ng Rehiyon XI at XII, regular itong mino-monitor ng Protected Area Management Board (PAMB).

Bahagi ng pamamahala ng PAMB ang isinagawang 4th Quarter regular meeting ng MANP Sub-PAMB na idinaos nitong ika-8 ng Nobyembre 2024 sa Boylyn’s Pensione Plaza, Kidapawan City, kung saan masinsinang tinalakay ang “effective carrying capacity” ng iba’t ibang lugar sa loob ng MANP.

Dito, tinukoy ang kapasidad ng natural park na tumanggap ng dami ng tao, kabilang ang turismo, at pagdaos ng mga aktibidad, nang hindi naapektuhan ang kalikasan.

Parte ng estratehiya, ang seryosong pagpapatupad ng mga kaukulang batas o patakaran kasama na ang pagbabantay sa mga iligal na aktibidad sa loob ng parke at maingat na pagbibigay ng PAMB clearance para sa mga proyekto o establisyemento na nasa jurisdiction nito.

Bukod sa mga nabanggit, pinag-usapan rin ang mga ipapataw na multa katumbas ng anumang violation o paglabag na nagawa, matapos ang imbestigasyon, pati na ang pagpapaliban ng trekking activities sa bahagi ng Protected Areas na nasa kategoriyang Strict Protection Zones (SPZ). Mapapahintulutan lamang dito ang mga siyentipikong pag-aaral at seremonyal o relihiyosong aktibidad ng mga Indigenous Peoples (IPs).

Ang naturang pagpupulong ay pinangunahan ni Atty. Felix S. Alicer bilang DENR Regional Executive Director (RED) at Chairperson ng MANP Cotabato Sub-PAMB, na dinaluhan nina Atty. William Uy ng Provincial Legal  Office at Provincial Governor’s Office (PGO) Executive Assistant Jessie Enid, Jr., bilang mga kinatawan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA.

Mariing sinusuportahan  ni Gov. Mendoza  ang mga hakbanging nagsusulong ng wastong pangangalaga ng kalikasan upang masigurong mananatili itong protektado hanggang sa susunod pang henerasyon, at maiwasan ang posibleng sakuna na dulot ng ipanghihimasok sa mga idineklarang protektadong lugar.// idcd-pgo j.abellana//photos by J.Enid//.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *