Lalawigan ng Cotabato, ginawaran ng parangal bilang Most Functional LPMC sa rehiyon XII

Amas, Kidapawan City|Nobyembre 8, 2024- Muling kinilala ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Local Project Monitoring  Committee (LPMC)  ng  lalawigan ng Cotabato bilang Most Functional LPMC-Provincial Level sa buong rehiyon XII. 

Ito ay matapos nitong makakuha ng 100% Functionality Rating sa isinagawang DILG assessment nitong nakaraang Oktubre 17, 2024 kung saan naging pangunahing batayan nito ang sumusunod: organization (15%), planning (25%), training (15%), at operation and implementation (45%). 

Ang LPMC ay isang komitiba na binubuo ng academe, religious sector, civil society organization (CSO), people’s organization (PO), DILG at representante mula sa Sangguniang Panlalawigan  kung saan chairman nito  si USM President Francisco Gil Gracia na ang  pangunahing mandato ay i-monitor ang lahat ng proyektong ipinapatupad sa lalawigan na pinondohan ng pamahalaang nasyonal, lokal o di kaya’y foreign funded projects. 

Maliban sa Most Functional LPMC, national nominee rin ang  probinsya sa 2024 SubayBAYANI Awards for the Most Significant Change-Provincial Level Category.  

Labis naman na kagalakan at pasasalamat sa bawat opisyal, kawani, stakeholders at mamamayang  Cotabateño ang ipinaabot ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na naging katuwang ng “Serbisyong Totoo” para matiyak na ang bawat proyekto na isinasakatuparan sa mga komunidad sa probinsya ay dekalidad at sumusunod sa nakatakdang specification and program of works. 

Kabilang sa mga polisiyang ipinatutupad ng opisina ng gobernadora ang “one strike policy” para sa lahat ng mga kontratista, na naglalayong tiyakin ang pagbibigay ng episyenteng serbisyo, lalo na sa mga proyekto ng gobyerno. 

Sa ginanap na Regional Subaybayani and LPMC Functionality Awarding for CY 2024 sa Carpenter Hills, Koronadal City ngayong hapon, personal na tinanggap nina Engr. Mamintal T. Taha, Ph.D. bilang kinatawan ni LPMC Chair Garcia, CSO Representative Gil B. Sabinorio at LPMC Secretariat Lourdes D. Oracion ang parangal mula sa mga opisyal ng DILG at Regional Project Monitoring Committee sa pangunguna ni National Economic Development Authority (NEDA) Regional Director Phlorita Ridao. 

Kung matatandaan noong nakaraang taon ay kinilala rin ang probinsya bilang Most Functional LPMC-Provincial Level sa buong SOCCSKSARGEN Region.//idcd-pgo-sotto/PhotobyPPDO//