Sa isinagawang pagpupulong ng mga operator ng Cotabato Rubber Trading and Auction Center (CRTAC) o Rubber Bagsakan, na ginanap sa 3rd floor Capitol Annex, Amas, Kidapawan City, tinalakay ang mga updates ukol sa kasalukuyang kalagayan ng operasyon ng rubber bagsakan at ang mga hakbang upang mapabuti pa ito.
Isa sa mga tinalakay ay ang mababang presyo ng ibang Bagsakan Center kumpara sa iba pang mga bagsakan. Sa huling bidding result, may buying price na P40.50, samantalang ang iba ay nasa P46.67 at P47.22. Pangunahing dahilan ng mababang presyo ay ang poor quality ng cuplump na inilalabas mula sa ibang Bagsakan Center. Napagkasunduan sa pulong na magsasagawa ng isang espesyal na pulong kasama ang officers ng mga Bagsakan Centers upang maresolba ito.
Kasama rin sa agenda ang pag-uulat ng paggamit ng goodwill fund o pondo na nakalaan para mapakinabangan ng mga rubber farmers at mga operator ng CRTAC. Ang goodwill fund ay nanggaling sa 1.00 per kilo incentive mula sa winning bidder para sa rubber bagsakan upang ilaan sa operation expenses, bayad sa labor, honorarium sa mga namamahala, at iba pa. Ang excess funds ay ibinabalik sa farmers/tappers bilang insentibo at ang iba ipinahihiram bilang cash advance na walang interest.
Ang CRTAC ay isa sa mga inisyatibong programa ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na inilunsad noong 2017 sa bisa ng Provincial Ordinance 594 na ang pangunahing layunin ay matugunan ang mababang presyuhan sa produktong goma na nagpapahirap sa mga magsasaka.//idcd-pgo j.abellana/photo by OPAG//