Amas, Kidapawan City I November 5, 2024- Batid ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na nakasalalay sa malusog na pangangatawan at kaisipan ng bawat indibidwal ang pagkakaroon ng kakayahan upang magtagumpay sa pagtatrabaho at magandang kalidad ng buhay para sa bawat pamilya sa loob ng komunidad.
Kaya naman, bukod sa kaliwa’t kanang implementasyon ng “Serbisyong Totoo Medical-Dental Outreach Program,” naging abala rin ang tanggapan ni Integrated Provincial Health Officer (IPHO) Dr. Eva C. Rabaya sa pagpapatupad ng “consultations” at pagsusulong ng kaalaman hinggil sa pagpapabuti ng kalusugan ng kaisipan.
Kaagapay si Program Coordinator Karen Jae G. Cabrillos, patuloy na idinadaos ng IPHO ang libreng “Mental health check-up and awareness campaign” katuwang ang Rural Health Units (RHUs) sa probinsya upang matulungang matukoy at mabigyan agad ng interbensyon ang mga Cotabateñong dumaranas ng naturang kondisyon sa tulong ng “Sebisyong Totoo team” na binubuo ng mga psychiatrist, psychometrician, physical therapist at registered nurses na siyang nangunguna sa “consultations and health education.”
Kaugnay nito, sinimulan kahapon sa bayan ng Matalam ang pagpapatupad ng nabanggit na programa, kung saan abot sa 31 na pasyente ang nabigyan ng pagkakataon upang masuri ng mental health professionals. Ang naturang aktibidad ay gaganapin din sa iba pang mga bayan sa susunod na mga araw.
Umaasa si Gov. Mendoza na magiging malaking tulong ang naturang inisyatibo sa pamilya upang maipaunawa ang kalagayan ng kanilang mahal sa buhay na humaharap sa naturang suliranin at matustusan ang kinakailangang gastusin sa tuloy-tuloy na gamutan. //idcd-pgo-frigillana/photoby:ipho