Gov. Mendoza, nagpahayag ng suporta sa programang ipapatupad ng OPAPRU sa lalawigan

Amas, Kidapawan City | Oktubre 30, 2024 – Personal na nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Carlito Galvez, Jr. kay Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA matapos ihayag ng gobernadora ang suporta nito sa Localizing Normalization Implementation (LNI) Program na ipapatupad sa lalawigan ng Cotabato. 

Sa pakikipag-usap ng ina ng lalawigan kay Secretary Galvez ngayong araw kasabay ng isinagawang International Conference on Women Peace and Security sa Philippine International Convention Center,  Pasay, Metro Manila inihayag nito na buo ang suporta ng kapitolyo sa anumang adhikain ng opisina lalo na sa pagsusulong ng kapayapaan sa buong Mindanao. 

Ang LNI ay isa sa mga key component programs ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na naglalayong tulungan ang mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatants na maging produktibong sibilyan na magiging katuwang ng pamahalaan sa pagtataguyod ng isang progresibo at mapayapang komunidad. 

Samantala, masaya ring nagbahagi sa isinagawang breakout sessions ng kanyang ideya at mga rekomendasyon sa usapin ng peace and security si Gov. Mendoza. Inilahad din nito ang mga “good practices” na ini-implementa ng probinsya na nakatuon sa seguridad, kapayapaan, katiwasayan at pangangalaga sa kapakanan ng kababaihan at bulnerableng sektor ng lipunan.//idcd-pgo-sotto//