Mahalagang resolusyon na makakatulong sa magsasaka ng Mindanao, inaprobahan sa 19th MinDA board of directors meeting

Amas, Kidapawan City | Oktubre 29, 2024 – Isang napakahalagang resolusyon na makakatulong sa magsasaka ng palay sa ilang bahagi ng Mindanao ang inaprobahan ngayong araw ng Mindanao Development Aurhority (MinDA) board of directors sa ginanap na pagpupulong sa Marco Polo Hotel,  Manila na pinangunahan ni Secretary Leo Tereso A. Magno. 

Sa pagtitipon, iprinisenta ni Development Bank of the Philippines Director Roberto V. Antonio ang programang Agri-Puhunan at Pantawid Program na itataguyod nito kasama ang Department of Agriculture na naglalayong suportahan ang mga magsasaka at mga negosyo sa sektor ng agrikultura upang mapataas ang kanilang ani at kita sa pamamagitan ng pagpapautang sa mga farmer beneficiaries para matustusan ang kanilang pangangailangan sa pagsasaka. 

Ito ayon pa kay Antonio, ay bahagi ng estratehiyang isinusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. upang matiyak ang food security and sufficiency sa bansa. 

Labis namang ikinagalak ni RDC XII Chair Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, na miyembro rin ng board, ang hakbang na ito ng pamahalaang nasyonal at naibahagi rin nito sa pulong ang rice revolution program na nakatakda ring i-implementa sa probinsya sa tulong ng DA at mga lokal na pamahalaan. 

Kabilang din sa mga tinalakay ang rekomendasyon sa katatapos lamang na Mindanao Infra Summit, Mindanao, Investment Facilitation, at Recent Developments with Brunei Darussalam–Indonesia–Malaysia–Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) at Leveraging MinDA Board Piorities with Global Benchmarking. 

Dumalo rin sa 19th MinDA board meeting ang mga RDC Chairs, ilang imbitadong direktor mula sa iba’t ibang ahensya at iba pang miyembro ng board.//idcd-pgo-sotto//