Mahalagang papel ng kababaihan, sentro ng International Conference on Women, Peace, and Security

Amas, Kidapawan City| Oktubre 29, 2024- Isang mainit na pagsuporta ang ipinaabot ngayon ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa programang isinusulong ng pamahalaang nasyonal na nakasentro sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga kababaihan sa usapin ng peace and security.

Sa ginaganap na tatlong araw na International Conference on Women, Peace, and Security (WPS) sa Philippine International Convention Center sa Maynila na nagsimula kahapon, Oktubre 28, 2024 nagtipon-tipon ang mga matataas na opisyales mula sa United Nations member states, national government officials, international and local civil society organizations (CSOs), at key stakeholders.

Kabilang sa mga talakayang binigyang diin sa nabanggit na komperensya, ang malaking responsibilidad ng kababaihan sa conflict prevention and resolution, peace negotiations, peace building, peacekeeping, humanitarian response at post-conflict reconstruction. Ang aktibidad ay bahagi rin ng pag-alala sa ika-25 na anibersaryo ng UN Council Resolution 1325 at ang pagbuo sa WPS framework.

Dumalo din sa napakahalaga at makasaysayang pagtitipon si Sangguniang Panlalawigan (SP) Committee on Human Rights, Peace and Order and Public Safety Chairperson at Boardmember Sittie Eljorie Antao-Balisi na nagbahagi ng mga pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato para mapanatili ang katiwasayan at kapayapaan sa probinsya sa ilalim ng liderato ng isang babaeng lider sa katauhan ni Gov. Mendoza.

Ang naturang komperensya ay pinangunahan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), Philippine Commission on Women, Department of Budget and Management (DBM) sa pakikipagtulungan ng United Nations (UN) Women, The Philippine Center for Islam and Democracy at ASEAN Institute for Peace and Reconciliation.

Nilagdaan din ngayong hapon ang isang Memorandum of Understanding on Women, Peace and Security sa pagitan ng OPAPRU at Secretary’s Office of Global Women’s Issues of the Department of State ng Estados Unidos na pinangunahan nina Deputy Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Senior Undersecretary Isidro L. Purisima bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Secretary’s Office of Global Women’s Issues Principal Deputy Katrina Fotovat.

Ito ay sinaksihan naman nina OPAPRU Secretary Carlito G. Galvez, Jr. at US Ambassador Marykay L. Carlson. //idcd-pgo-sotto//