Gov. Mendoza, national nominee sa 2024 Gawad Parangal “Cooperative Development Champion” 

Amas, Kidapawan City|Oktubre 24, 2024 – Muli na namang kinilala ang husay ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, matapos maging national nominee  sa 2024 Gawad Parangal “Cooperative Development Champion” ng Cooperative Development Authority (CDA) para sa Local Chief Executive Category. 

Sa ginanap na CDA XII Recognition Ceremony nitong Oktubre 22, 2024 sa Sun City Suites, General Santos City tinanggap ni Provincial Cooperative and Development Office Acting Head Shirly Pace ang plaque of recognition mula kay CDA Asst. Secretary Abdulsalam A. Guinomla at CDA 12 Regional Director Juriski  B. Mangelen bilang pagkilala sa gobernadora as regional winner at national nominee sa nabanggit na parangal. 

Si Gov. Mendoza ang nag-iisang gobernador sa rehiyon XII na napili para sa national level dahil sa ipinakita nitong husay at dedikasyon sa implementasyon ng mga programang makakatulong sa paglago ng kooperatiba sa lalawigan.

Regional winner din para sa Cooperative Development Officer category si Pace na labis ang pasasalamat sa ina ng lalawigan dahil sa suporta nito sa sektor ng kooperatiba na humakot din ng iba’t ibang parangal. Ayon sa kanya 11 registered cooperatives ang kinilala ng CDA dahil sa sumusunod na pamantayan: Levelling up from Micro to Small Category; Levelling up from Small to Medium Category; 100% Remittance of their Cooperative Education and Training Fund due to Apex for FY 2023; Full Utilization of Cooperative Development Fund for FY 2023; at Very Satisfactory Rating in the Performance of Audit Report for Fiscal Year 2023. 

Sa pagbisita ni Pace ngayong tanghali sa tanggapan ng gobernadora, tiniyak ni Gov. Mendoza na patuloy na magiging katuwang ng kooperatiba ang kanyang opisina sa pagtataguyod ng mga proyektong mag-aangat sa kabuhayan at ekonomiya ng probinsya ng Cotabato.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//