Department of Agriculture, ipinakilala ang APA Project bilang tugon sa epekto ng climate change sa agrikultura

Amas, Kidapawan City| Oktubre 24, 2024- Ipinakilala ngayong araw ng Department of Agriculture (DA) Central Office at Field Office XII ang Adapting Philippine Agriculture to Climate Change (APA) Project na isang mahusay na hakbang upang matugunan ang hamon ng climate change, lalo na sa larangan ng agrikultura, kasabay ng kanilang pagbisita sa Provincial Administrator’s Office, Amas, Kidapawan City.

Sa pakikipag-usap ni Provincial Administrator Aurora P. Garcia kay DA-Food and Agriculture Organization of the United Nations Technical Assistance Team Coordinator Ryan Vita at iba pang kinatawan mula sa ahensya, iprinisenta ng mga ito ang naturang programa na ayon sa kanila ay tutugon sa napapanahong problema ng pagbabago ng klima na siyang pangunahing sanhi ng mababang ani, produksyon at kita ng magsasaka. 

Magiging katuwang ng DA sa implementasyon ng nabanggit na programa ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), FAO, at Green Climate Fund (GCF). 

Ikinatuwa naman ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang nabanggit na programa na inaasahang magiging daan upang maging “climate resilient” ang mga magsasakang Cotabateño sa pamamagitan ng pagsusulong ng isang environmentally sustainable farming methods.//idcd-pgo-sotto/PhotobyRsotto&WMSamillano//