DSWD XII at PDRRMO magkatuwang na nagpaabot ng tulong sa mga apektado ng tropical storm Kristine sa Brgy. Bantac, Magpet

Amas, Kidapawan City| Oktubre 22, 2024 – Dahil sa nararanasang malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng tropical storm Kristine, agarang tinungo ngayong araw ng ahensya ng Department of Social Welfare and Development XII at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDDRMO) ang mga apektado ng pagbaha sa Barangay Bantac, Magpet, Cotabato.

Sa pamamagitan ng family food packs ng DSWD, at food and non-food items naman gaya ng can goods, kape, balde, kumot, banig, mosquito nets, at kagamitang pangkusina mula sa PDRRMO, ipinaabot ni Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. at Gov.LALA TALIÑO-MENDOZA ang kanilang malasakit sa mga residente mula sa naturang barangay kasama ang panalanging agad itong makabangon mula sa dinanas na kalamidad.

Batay sa situational report ng PDRRMO, dahil sa pag-apaw ng Bantac River na nagdulot ng pagkaanod at pagkasira ng ilang kabahayan sa area, abot sa 123 na mga pamilya ang napilitang pansamantalang lumikas sa kanilang mga kaanak at itinalagang regional evacuation center sa Brgy. Poblacion ng bayan. Sa talaan ng opisina, abot sa 36 na mga bahay ang nasira samantalang 87 naman ang bahagyang nasira.

Sa kabilang banda, nagdeklara naman ng suspension of classes ang 17 munisipyo at isang siyudad sa lalawigan ngayong araw dahil pa rin sa patuloy na pag-ulan.

Patuloy namang pinag-iingat ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Chairperson Gov. Mendoza ang mga Cotabateño lalo na ang mga nakatira sa landslide and flood prone areas sa posibleng matinding epekto ng sama ng panahon.//idcd-pgo-sotto/PhotobyPDRRMO&EVisabella//