Kinatawan ng National Library of the Philippines, bumisita sa lalawigan ng Cotabato

Amas, Kidapawan City/ Oktubre 21, 2024 -Dumating ngayong araw ang mga representante ng National Library of the Philippines na sina Rhodora E. Valdez at Vida Dorea P. Mendoza upang magsagawa ng site visit at observation sa mga pampublikong library ng Local Government Units (LGUs) sa lalawigan mula Oktubre 21 hanggang 25, 2024.

Layunin ng kanilang pagbisita na magbigay ng technical assistance at obserbahan ang mga affiliated libraries, kabilang ang physical inventory ng mga aklat at iba pang nilalaman nito. Susuriin din nila ang mga sistema sa operasyon, administrasyon, at mga serbisyong inaalok ng bawat library. Ang resulta ng pagsusuri ay magsisilbing gabay para sa mga LGUs upang mas mapabuti ang kanilang mga serbisyo sa publiko.

Nag-courtesy visit din ang mga bisita kay OIC Provincial Administrator Atty. John Haye Deluvio, kung saan tinalakay ang mga inisyatibo ng pamunuan ni Gov LALA TALIÑO-MENDOZA, kabilang na ang Bookmobile Library Services Program, na personal din nilang tiningnan. Namangha ang mga ito sa nasabing programa na nagbibigay ng mahusay na library access sa mga komunidad at natatanging oportunidad upang maranasan ang tradisyonal na silid-aklatan at maging ang mga modernong kagamitan rito.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga ito na makausap ng personal ang alkalde ng Libungan na si Mayor Angel Rose “Apol” Cuan at nailatag ang kanilang layunin sa bayan ng Libungan.

Hinangaan din ng mga ito ang MuseyoKutawato at ang sistema ng collection recording nito na gumagamit ng accession registry. Ang mga inisyatibong ito ay patunay ng dedikasyon ng lalawigan sa pagpapalaganap ng literasiya at kaalaman.//idcd-pgo j.abellana/photo by IDCD//.